2 lider magsasaka, inaresto sa Caraga
Sa bisa ng inimbentong kaso ng tangkang pagpatay, inaresto ng mga pulis mula sa Caraga at 3rd Special Forces Battalion (SFB) si Marcela Diaz noong Mayo 14, alas-4 ng madaling araw sa Marihatag, Surigao del Sur. Myembro si Diaz ng Kapunungan sa mga Mag-uuma sa Surigao del Sur, na matagal nang nire-red-tag ng militar dahil sa aktibong paglaban para sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Iginigiit ng mga kaanak ni Diaz, 59, na agad siyang palayain dahil sa malubhang kanser na dinaramdam ng biktima. Ikinulong siya sa Camp Rafael Rodriguez sa Butuan City.
Sa parehong araw, inaresto sa Barangay Banza, Butuan City, Agusan del Norte si Virgilio Lincuna, 70, myembro ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Caraga sa gawa-gawang kaso ng pagpatay. Dati na siyang ikinulong noong 2019 dahil din sa inimbentong kaso. Si Lincuna ay bahagyang paralisado dahil sa stroke at hindi halos makalakad.
Noong Mayo 17, inaresto ng mga pulis ang pambansang tagapangulo ng Karapatan na si Elisa “Tita” Lubi, sa kasong bigong pagpatay. Pansamantala siyang nakalaya noong araw ding iyon matapos makapagpiyansa.
Pagpatay. Binaril at napatay ng pinaghihinalaang myembro ng anti-komunistang grupo si Briccio Nuevo, Jr., ministro ng Iglesia Filipina Independiente sa Barangay Poblacion Guihulngan City, Negros Oriental noong Mayo 4. Si Nuevo ay matagal na ni-red-tag ng Kagubak, grupong vigilante na nasa kontrol ng pulis at militar sa prubinsya.
Pagdukot. Dinukot ng hinihinalang mga elemento ng militar si Ed Navalta, koordineytor ng Camarines Sur People’s Organization sa District 1 noong Mayo 18, alas-5 ng hapon sa bayan ng Ragay, Camarines Sur. Hindi pa natatagpuan kung saan siya dinala ng mga militar.
Militarisasyon. Sampung barangay sa Tinambac, Camarines Sur ang okupado ng 9th ID mula pa ikalawang linggo ng Mayo. Kabilang dito ang mga barangay ng San Roque, San Ramon, Salvacion, Pantat at Turo kung saan nagbahay-bahay ang mga sundalo.