Ang mga dam ni Enrique Razon, Jr.
Tatlo sa pinakanakamamatay na proyektong dam sa bansa ngayon ay may kaugnayan sa mga negosyo ni Enrique Razon, Jr., na tinaguriang isa sa mga “Dutertegarch” o malalaking oligarko na pinapaburan ni Duterte. Ang mga ito ang Jalaur Megadam Project sa Iloilo na nakatakdang magsuplay ng kuryente sa kumpanyang More Power, ang Wawa Dam Project sa Montalban, Rizal na magsusuplay ng tubig sa kontrolado niyang Manila Water Company, at ang di pa nasisimulang pagtatayo ng dam sa Chico River sa Kalinga. Ang mga proyektong ito ay itinatayo sa mga lupa at ilog ng mga katutubo kabilang ang mga Tumandok ng Panay, Remontado-Dumagat ng Rizal at Igorot ng Kalinga.
Lahat ng mga lugar na ito ay may mahabang kasaysayan ng paglaban ng mga residente, at ng mararahas na kampanyang panunupil para patahimikin sila. Laganap sa mga erya na ito ang mga ekstrahudisyal na pamamaslang, iligal na pang-aaresto at detensyon, at sapilitang pagpapabakwit.
Di tulad ng ibang kumprador, hayagang sumusuporta si Razon sa pasismo ni Duterte. Noong 2017, ipinahayag niya ang kanyang tiranikong paniniwala na hindi magtatagumpay ang anumang programa sa imprastruktura kung hindi ito ipatutupad sa ilalim ng isang diktadura.