Ano ba ang napala ng mga Samarnon sa RCSP?
Sa prubinsya ng Samar, 2019 pa nakapailalim sa walang patid na Retooled Community Support Program (RCSP) ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 11 baryo sa bayan ng Calbiga, lima sa Pinabacdao, at lima sa Hinabangan. Sa panahong ito, binuhusan ng rehimeng Duterte ang mga baryo ng milyun-milyong pondo para sa iba’t ibang proyekto na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos.
Para likhain ang ilusyon ng kaunlaran kasabay ng kampanyang kontra-insurhensiya, ipinatupad ng gubyerno at ng militar ang samutsaring proyektong kalsada at tulay, mga proyekto sa ilalim ng pambansang mga ahensya at lokal na gubyerno, National Greening Program, proyektong pangkabuhayan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), programang pagpapasurender at iba pa.
Pero matapos ang dalawang taon, wala pang natatapos ni isang proyektong pang-imprastruktura. Sa sobrang bagal ng usad ng mga ito, nagsisimula pa lamang magbuldos para sa paglalatag ng mga proyektong kalsada. Wala pang nangyayari sa planong pagsemento ng kalsada sa Barangay Guinbanga, Calbiga. Dahil dito, gumawa na lamang ng pansamantalang tulay na gawa sa kahoy ang mga residente. “Malamang di na ‘yan magagawa,” upinyon ng isang residente. “Nakurakot na siguro ang pondo,” dagdag niya.
Ginagamit ngayon ng militar ang bilyun-bilyong pisong pondo ng Barangay Development Program (BDP) ng NTF-ELCAC para lalong ipailalim ang mga baryo sa kanilang kapangyarihan. Ang pagpapatupad ng BDP ay mahigpit na karugtong ng paniniil at pang-aabuso ng mga sundalo. Halimbawa, pinangakuan ng AFP ang mga barangay ng tig-₱20 milyon kung papayag ang mga upisyal at residente na magkampo ang mga sundalo sa barangay o kung “magpalinis ng pangalan” o “susurender” ang mga residente. Sa ilang baryo kung saan walang boluntaryong sumurender, gumagawa ang mga sundalo ng listahan ng mga taong pipilitin nilang “sumuko.”
“Dugo, buhay, at kaguluhan sa hanapbuhay namin,” sagot ni Ka Ruben, isang magsasaka, nang tanungin kung ano ang inihatid sa kanila ng mga operasyong RCSP.
Hindi makakalimutan ng mga magsasaka sa mga baryong may RCSP ang pagpaslang ng mga sundalo sa mga kapitan ng Daligan at Beri sa Calbiga, asawa ng kapitan ng Sinalangtan, isang magsasaka sa Buluan, at isang kabataan sa Minata. Samantala sa Pinabacdao, dalawang magsasaka na ang pinaslang sa Canlubo at isa sa Magdawat. Ilang magsasaka na rin ang kanilang binugbog at tinortyur.
Pasimuno rin ang mga sundalo ng RCSP sa pagsusugal gaya ng sabong at pagbabaraha, iligal na pangingisda sa pamamagitan ng paglason at pagkuryente ng mga ilog, iligal na pagtotroso, pang-aabuso sa kababaihan at panggagahasa sa mga menor de edad.
Kahit ang mga magsasakang nirekrut nila sa CAFGU ay umalis din sa serbisyo dahil sa pang-aabuso ng mga sundalo. Ang pangakong ₱35,000 na sweldo ay nagiging ₱6,000 na lamang, na minsan dumarating sa kanila pagkalipas ng dalawa hanggang tatlong buwan. Dumaranas pa sila ng grabeng pambubugbog, pagmumura at diskriminasyon.
“Kaya nga sa bawat pagdaan ko sa mga ginagawang tulay at kalsada, naaalala ko ang sinapit ng kapwa kong mga magsasaka na naging kapalit ng mga proyektong ito. Hindi matutumbasan ng halaga at proyekto ang kanilang mga buhay.”
Kasinungalingan din ang pangako ng rehimen na itataas ng mga proyektong kalsada ang presyo ng produkto ng mga magsasaka. “Mas naging mura pa nga ang mga produkto namin at naging napakamahal na ng pamasahe.”
Pagtatapos ni Ka Ruben, “Nakamarka na talaga sa isipan ko na sa pakikibaka lang makakamit ng mga mahihirap ang tunay na kaunlaran at kapayapaan.” (Koresponsal mula sa Larab)