Kalunus-lunos na kalagayan ng mga nars sa gitna ng pandemya
Ginunita ng mga nars sa pangunguna ng Filipino Nurses United (FNU) ang Pandaigdigang Araw ng mga Nars noong Mayo 12 sa pamamagitan ng pagsuot ng pulang face mask at pagbitbit ng mga panawagan para sa makatwirang dagdag sweldo at kaligtasan sa trabaho. Mula pa noong nakaraang taon, panawagan na ng mga nars at ng mga nasa sektor ng kalusugan ang tamang pagtrato sa kanila para maayos nilang magawa ang kanilang trabaho. Hiling nila—sapat na proteksyon, dagdag na personnel at makatarungang kumpensasyon.
Ayon sa pangulo ng FNU na si Maristela Abenojar, “demoralisado na ang mga nars dahil hindi pa rin ipinatutupad ang wastong kumpensasyon (sweldo) para sa mga manggagawang pangkalusugan na nasa harap ng laban sa Covid-19.”
Daing ng mga nars, isang taon na ang nakalipas ngunit hindi pa rin ipinatutupad sa maraming ospital ang umento na ipinangako sa kanila ng rehimen. Noong Hulyo 2020, matatandaang inilabas ng rehimen ang Budget Circular 2020-4 na nagtaas sa sweldo ng bagong tanggap na mga nars sa mga pampublikong ospital mula ₱22,316 hanggang ₱24,391 (salary grade o SG 11) tungong ₱32,053 hanggang ₱34,801 (SG 15). Hanggang sa kasalukuyan, panawagan ng mga nars ang kagyat na pagpapatupad nito at paglalabas ng nakabimbin na special risk allowance (₱5,000) at active hazard pay (₱3,000) na nakalaan para sa kanila.
Ibinaba rin ng isang ranggo ang istatus ng lahat ng nars na may pusisyon na Nurse II pataas o yaong mga sumusweldo ng hindi bababa sa ₱38,000 kada buwan. Inirereklamo ng mga senior nurse ang sapilitang pagpapapirma sa kanila ng kanilang mga employer sa mga dokumentong nagsasaad na sumasang-ayon sila sa demosyon. Hindi ibinaba ang kanilang sweldo ngunit nangangahulugan ang demosyon na hindi ito itataas.
Hindi rin nakatanggap ng umento ang 48,316 na mga kontraktwal na nars sa mga pampublikong ospital na hindi sinaklaw ng naturang kautusan. Mas masaklap ang kalagayan ng libu-libo pang nars sa mga pribadong ospital na karaniwang nakatatanggap lamang ng ₱10,000 kada buwan.
Ang mga nars ang pinakabulnerableng tamaan ng Covid-19 sa lahat ng mga medical frontliner dahil sila ang pinakamadalas na humaharap sa mga pasyenteng tinamaan ng bayrus. Ayon sa pinakahuling ulat ng rehimen, tinatayang 6,000 sa 17,000 medical frontliner na nahawa ng bayrus ay mga nars. Sa kabila nito, napakabagal ng pagbibigay ng kumpensasyon sa mga nagastos sa pagpapa-ospital. Ayon sa FNU, may mga nars na dalawa hanggang tatlong beses nang nahawa ng Covid-19, ngunit hindi pa rin nakatatanggap ng anumang kabayaran.
Marami nang nars ang nakaiisip na magbitiw at maghanap na lamang ng ibang trabaho dahil sa kawalan ng “sapat na pagkalinga o suporta” mula sa gubyerno sa kabila ng pagod at peligro na kanilang kinahaharap.
Sa nakaraan, karaniwang natutulak ang mga nars na magtrabaho sa labas ng bansa dahil sa napakaliit na sweldo at limitadong mga oportunidad sa Pilipinas. Ayon sa pinakahuling datos ng Organization for Economic Cooperation and Development, umaabot sa ₱445,000 kada buwan ang maaaring sahurin ng mga nars sa ibang bansa. Ang abereyds na sahod ng mga nars sa US, na karaniwang destinasyon ng mga Pilipinong nars, ay nasa ₱319,000 kada buwan, at ₱190,000 naman sa United Kingdom.
Nang sumiklab ang pandemya, nagpatupad ang rehimeng Duterte ng deployment ban o pagtigil sa pagdedeploy ng mga manggagawang pangkalusugan sa ibang bansa noong Abril 2020 sa ngalan umano ng pagtugon sa kakulangan sa bansa. Binawi ito noong Nobyembre ngunit nilimitahan lamang sa 5,000 manggagawang pangkalusugan ang idedeploy kada taon. Wala ring ibinigay na bayad-pinsala ang rehimen sa tinatayang nasa 16,746 manggagawang pangkalusugan na apektado ng restriksyon.
Noong Pebrero, inamin mismo ni Department of Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III na mayroong “sobrang suplay” ng mga nars sa bansa. Aniya, ang bansa ay mayroong tinatayang 400,000 nars sa kasalukuyan. Ayon naman sa FNU, tinatayang aabot sa 200,000 nars ang walang trabaho sa kasalukuyan ngunit walang ginagawang hakbang ang rehimen para isulong ang maramihang pag-eempleyo sa harap ng tumitinding kakulangan ng mga nars sa mga pampublikong ospital laluna sa mga Covid-19 ward. Laganap ngayon ang mga balita kaugnay sa pagsasara ng mga nurse station at mga pagtanggi ng mga ospital sa mga pasyente. Kabilang dito ang East Avenue Medical Center sa Quezon City na nag-ulat na kulang ito ng 30-35 nars.