Tutulan ang paggamit sa ATL sa pag-usig sa bayan
Binabatikos at itinatakwil ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng US-Duterte at ang Anti-Terrorism Council (ATC) nito sa pagbabansag na “terorista” sa sinasabi nilang 19 na “lider” ng PKP. Karamihan sa kanila’y konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Noong Disyembre, binansagan din ng ATC na “terorista” ang PKP at Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Kung ibabatay sa mga prinsipyo sa batas, arbitraryo at walang klarong batayan ang ginawa ng ATC na pagbabansag na “terorista” sa 19. Pinal ang mga bintang ng ATC kahit wala namang iniharap na ebidensya laban sa isinakdal at kahit walang pagdinig sa korte. Ito ang labis-labis na kapangyarihang hawak ngayon ng ATC sa ilalim ng Anti-Terrorism Law (ATL) ni Duterte. Labag ito sa saligang prinsipyong ligal na nasa balikat ng nagsasakdal ang bigat na patunayan ang kanyang akusasyon. Hindi lamang ang ATC ang nagsasakdal, siya rin ang humuhusga at magpaparusa sa mga tatagurian nitong mga “terorista.” Malaking kahangalan na sinasabing may karapatang idulog ang desisyon gayong hindi naman ipinabatid sa isinakdal ang kanyang krimen.
Lalong ipinakikita ng arbitraryong pagbabansag na mapaniil at anti-demokratiko ang ATL. Malinaw na malinaw ngayon kung paanong ang ATL ay ginagamit na mapang-aping sandata laban sa mga kritiko at kalaban ng pasistang rehimen.
Ang pagbabansag na “terorista” ay nagsasapanganib sa buhay ng mga biktima nito, laluna sa mga konsultant ng NDFP na nakakulong o tinutugis ng mga armadong ahente ng reaksyunaryong estado. Ang gayong pagbabansag, pang-iipit at panunupil na nakatuon sa mga konsultant sa usapang pangkapayapaan ay patraydor na pagsalya ni Duterte sa NDFP sa pagtanggi nitong yumuko o sumurender sa kanyang kapangyarihan. Tahasan itong pagyurak sa kasunduang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees ng NDFP at Government of the Republic of the Philippines na nagbabawal sa magkabilang panig na tugisin o ipitin ang sinumang tauhan na sangkot sa pag-uusap.
Ang akusasyon sa 19 na personahe na sila ay mga “lider ng Partido” ay lantarang banta sa kanilang buhay. Ang pagsasakdal sa kanila na mga “terorista” ay tulad ng “hatol ng kamatayan” ng mamamatay-taong rehimen.
Ang pagbabansag na “terorista” ay karugtong sa “red-tagging” o pagbabansag na komunista o kasapi ng Partido at hukbong bayan at kampanya ng mga pagpatay o pag-aresto at matagalang pagkukulong sa batayan ng palsipikadong mga ebidensya at gawa-gawang mga kaso. Tinatarget ng rehimeng Duterte ang mga ligal na pwersang sumisigaw ng pambansang kalayaan at demokrasya—ang mga organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, masang minorya, kabataan, kababaihan, nars, titser, karaniwang kawani at iba pang nakikibaka para sa interes ng karaniwang mamamayan.
Ginawa ang “teroristang pagbabansag” sa gitna ng isinasagawang pagdinig sa ATL. Sa tulak ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), tahasang winalanghiya ng ATC ang mga mahistrado ng Korte Suprema at inilagay ang deliberasyon nito sa bingit ng alanganin.
Ang pagbabansag na “terorista” ay isa ring desperadong tangka na pagtakpan ang mga krimen ng terorismo ng estado ng rehimeng Duterte. Walang dili’t iba kundi si Duterte mismo ang numero unong terorista ngayon sa Pilipinas. Gamit ang buong marahas na makinarya ng estado—ang mga sundalo at pulis—pinadanak niya ang dugo ng ilampung libong pinatay sa ilalim ng gera kontra droga at gerang kontra-insurhensya upang itaguyod ang kanyang tiranikong kapangyarihan sa buong bayan.
Sa ginawang pagbabansag ng ATC na “terorista” ang mga pwersang progresibo at patriyotiko, pinatutunayan ng pasistang rehimeng Duterte na ang “anti-terorismo” ay isang anti-demokratikong konseptong ginagamit ng imperyalismong US at mga naghaharing uri para supilin ang mga pwersa at kilusang nakikibaka para sa pambansang kalayaan at katarungang panlipunan. Sa buong mundo, ginagamit ng US ang “anti-terorismo” upang bigyang matwid ang armado at pampulitikang panghihimasok nito sa iba’t ibang bansa at supilin ang mga pwersang anti-imperyalista at patriyotiko.
Isa ring desperadong tangka ang ginawang pagbabansag ng ATC para dungisan ang reputasyon ng mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa. Ang mga binansagang “terorista” ng ATC ay pawang mga aktibista at rebolusyonaryo na kilala sa buong buhay nilang pag-aalay ng kanilang talino at lakas sa paglilingkod sa masang Pilipino. Kilala silang lahat na kasama ng sambayanan na tumindig laban sa mga diktador at tirano. Lahat sila’y nagsakripisyo ng kani-kanilang personal na ambisyon at makasariling interes. Hindi katulad ng mga burukrata-kapitalista, hindi sila nagkamal ng yaman o kaya’y naging pabigat sa mamamayan. Kilala silang mga tapat na lingkod ng bayan at tagapagtaguyod ng kalayaan at mga karapatan.
Ang gayong pagbabansag para pulaan ang mga makabayan at rebolusyonaryo ay matagal nang gawi ng mga naghahari-harian sa Pilipinas. Tinawag silang mga “bandido” at mga “insurekto” ng mga dayong mananakop para bigyang matwid ang armadong panunupil at tabunan ang kanilang sigaw para sa kalayaan. Lahat ng mga tunay na bayaning Pilipino—sina Andres Bonifacio, Macario Sakay, ang mga Dagohoy at Ricarte—ay pawang naging biktima ng gayong mapanirang pambabansag. Pinatunayan ng kasaysayan na ang mga nagbansag sa kanila ang tunay na mga kaaway ng sambayanang Pilipino.
Tiyak na ibayo pang gagamitin ni Duterte ang ATL laban sa lahat ng lumalaban sa kanyang pasistang paghahari. Gagamitin niya ito upang sagasaan ang lahat ng magiging sagabal sa kanyang ambisyon na manatili sa poder sa anyo ng isang pasistang diktadura o pagmanipula sa eleksyong 2022. Hindi malayong gamitin ito hindi lamang sa mga pwersang pambansa-demokratiko, kundi maging sa konserbatibong oposisyon at iba pang pwersa na nagkakaisa laban sa kanyang tiraniya, korapsyon, pagtalikod sa kapakanan ng sambayanan sa harap ng pandemya at pagtatraydor sa bayan sa usapin ng mga karagatang isinuko sa China.
Dapat lalong mahigpit na magkaisa ang sambayanang Pilipino. Dapat kumilos at makibaka para wakasan sa lalong madaling panahon ang tiraniko at teroristang paghahari ni Duterte.