Walang-habas ang henosidyo ng Israel sa Palestine
Tampok sa balita nitong ikalawang linggo ng Mayo ang brutal na pambobomba ng Israel sa matataong lugar sa Gaza Strip, isang masikip na engklabo kung saan nakakulong ang mahigit dalawang milyong Palestinian. Sigaw ng mga hedlayn ng balita ang “sigalot na Israel-Palestine,” “pagtindi ng karahasan” sa Gaza Strip at “lumalaking kwestyon” kaugnay sa mga krimen laban sa sangkatauhan ng “magkabilang panig.” Pinalalabas ng mga ito na animo’y boksing ang nagaganap kung saan patas ang laban at may sinusunod na mga tuntunin ang magkabilang panig.
Gayunpaman, hindi maitatago ng mga bidyo, larawan at ulat mula sa Gaza Strip ang tagibang na lakas ng Israel at ang malawakang pinsala at maramihang pagpatay ng mga bomba nito sa mamamayang Palestinian.
Noong Mayo 19, halos 10,000 mga bahay at gusali na ang nawasak, kundiman iginuho, ng mga airstrike ng Israel. Kabilang dito ang mga eskwelahan, ospital, upisina ng mamamahayag at ang kaisa-isang laboratoryong nagpoproseso ng mga test ng Covid-19. Ilang araw bago nito, pinatay ng Israel ang signal ng internet at pinutol ang kuryente sa Gaza. Apektado nito ang suplay ng tubig ng daan-daan libong mga Palestinian, kabilang ang mga maysakit at nahawa ng Covid-19.
Sa huling mga ulat, 217 Palestinian na ang napatay sa mga pambobomba, 63 ay mga bata. Mahigit 1,400 ang sugatan at nasa 52,000 ang napilitang umalis sa kanilang mga bahay. Liban sa mga airstrike, binobomba rin ng Israel ang Gaza mula sa hangganan nito gamit ang mga kanyon.
Pinalalabas ng Israel na “gumaganti” lamang ito sa pagpapalipad ng mga rocket ng Palestine mula sa Gaza Strip. Pero una na nitong sinalakay ang moskeng Al-Aqsa sa East Jerusalem, isa sa pinakasagradong lugar ng relihiyong Muslim, sa gitna ng pagdarasal sa panahon ng Ramadan noong Mayo 8. Nagresulta ang reyd sa 205 Palestinian at 17 Israeli na sugatan. Bilang tugon, nagpalipad ng mahigit 1,000 rocket ang Palestine sa direksyon ng Israel noong Mayo 10. Ilan dito ay tumama sa mga sibilyan at ari-ariang Israeli. Ang ilan ay bumagsak sa loob din ng Gaza. Ang mayorya (hanggang 90%) ay napapaputok na sa ere ng sistemang anti-rocket ng Israel.
Ang reyd sa Al-Aqsa ay lundo ng ilang buwan nang panunulsol ng gulo ng mga grupong Israeli sa mga teritoryo ng Palestine sa East Jerusalem. Dumalas ang mga kontra-Arabong pahayag ng kunwa’y mga “ekstremistang” grupong Israeli na hayagang nananawagan ng “kamatayan sa mga Arabo.” Tumindi ang pananalakay ng mga grupong ito sa mga komunidad ng Palestine matapos pahintulutan ng Korte Suprema ng Israel noong Pebrero na agawin ng mga Hudyo ang lupang kinatitirikan ng mga bahay ng mga Palestinian sa East Jerusalem.
Labag ang naturang desisyon sa internasyunal na mga kasunduang naghati sa teritoryo sa dalawang mamamayan. Aktibong nilabanan ng mga Palestinian ang napipintong pagpapalayas sa kanila mula sa natitira nilang mga komunidad sa sagradong lupa ng Jerusalem.
Ang totoo, ang pagsalakay na ito ng Israel ay karugtong sa deka-dekada nitong kampanyang henosidyo at marahas na okupasyon sa mga teritoryo ng Palestine. Sa mga Palestinian, karugtong ito sa tinatawag nilang Al Nakba o Ang Sakuna, na naganap noong Mayo 15, 1948, kung saan sistematiko silang pinatay at pinalayas sa kanilang mga lupa para isilang ang bansang Israel.
Sa mahigit pitong dekadang okupasyon ng Israel, natulak ang mga Palestinian sa hiwa-hiwalay na mga teritoryo nito sa Gaza Strip (may laking lampas kalahati lamang ng National Capital Region) at West Bank (bahagyang mas malaking erya kung ikumpara sa isla ng Cebu). Ang sadyang pagkulong ng Israel sa mga Palestinian sa mga teritoryo ay tinatawag ngayong “apartheid” o ang patakaran ng rasistang paghihiwalay at diskriminasyon.
Hindi pa kailanman napaatras o napananagot ang Israel sa napakarami na nitong paglabag at krimen laban sa mamamayang Palestinian. Ito ay dahil itinuturing ng US at mga kapitalistang bansa sa Europe ang Israel bilang susing alyado sa rehiyon ng Middle East. Patuloy na tumatanggi ang US na kundenahin ang mga krimen ng Israel, at sa halip ay ang mga Palestinian pa ang tinagurian nitong “terorista.” Itinuring nito ang mga pambobomba ng Israel sa mga sibilyan bilang “pagsasagad” sa mga tuntunin ng digma at ang henosidyo bilang “pagdepensa sa sarili.”
Una nang tumanggi si US President Joseph Biden na repasuhin ang ayudang militar na ibinibigay ng US sa Israel sa maagang bahagi nitong taon. Tumanggi rin siyang patawan ang naturang ayuda ng pinakamagagaan na kundisyon, tulad ng pagbabawal ng detensyon ng mga batang Palestinian sa masisikip na kulungan. Taun-taon, ang Israel ang tumatanggap ng pinakamalaking ayudang militar mula sa US.