Bumabakas ang China kay Duterte

,

Sa nagdaang mga buwan, palala nang palala ang pangangayupapa ni Rodrigo Duterte sa China. Mula sa patalo niyang pagtugon sa sigalot sa West Philippine Sea, hanggang sa paglalabas ng mga patakaran gaya ng Executive Order No. 160 na pumapabor sa dayuhang pagmimina ng mga Chinese, walang kaabog-abog niyang ipinagkakanulo ang soberanya ng bansa.

Kapalit ng ano? Sinasabing kabayaran ito sa pangakong pagpopondo ng China sa ambisyosong mga proyekto sa ilalim ng kanyang programang Build, Build, Build. Sa pagbisita ni Duterte sa China noong 2016, ipinagmayabang niyang pinangakuan siya ng bansa ng $24 bilyon o ₱1.2 trilyong pondo para rito.

Isang taon na lamang at matatapos na dapat ang termino ng reaksyunaryong pangulo. Ano na nga ba ang nangyari sa trilyong pangako ng China?

Pangakong napako

Sa pangakong pondo ng China, ₱720 bilyon dito ay para sa 26 na malalaking proyektong imprastraktura, kabilang ang mga riles, tulay at dam.

Ang nasabing mga proyekto ay pinalalabas ng China na bahagi ng Belt and Road Initiative (BRI), isang engrandeng programa ng mga riles, kalsada at daungan para idugtong ang China sa Central at South Asia hanggang sa Europe at Africa.

Hindi kasama ang Pilipinas sa mga ruta ng Silk Road Economic Belt o sa Maritime Silk Road sa orihinal na plano ng BRI. Ginamit lamang itong pampain sa hayok sa kurakot na rehimeng Duterte kapalit ang walang pasubali nitong pagsunod sa dikta ng China.

Malaki na ang pakinabang ng China matapos ang halos limang taon, kahit 5% pa lamang sa pangakong pautang ang ibinigay nito.

Liban sa ₱14.4-bilyong pondong inilabas ng Asian Infrastructure Investment Bank para umano sa pagtugon sa Covid-19, dalawang “Infrastructure Flagship Project” pa lamang ang may pirmadong kasunduan sa ngayon. Ang mga ito ang ₱4.37-bilyong Chico River Pump Irrigation Project at ang ₱12.2-bilyong New Centennial Water Source-Kaliwa Dam, na parehong sisira sa mga komunidad at aagaw sa lupang ninuno ng mga katutubo.

Ayon sa Chinese Embassy sa Pilipinas, 11 proyekto pa lamang na pinondohan ng China ang tapos na, at 12 proyektong nakatakdang simulan. Kalakhan sa mga ito ay mga tulay at kalsada, kabilang ang Binondo-Intramuros Bridge at Estrella-Pantaleon Bridge na parehong nasa Metro Manila. Samantala, iilan pa lamang sa pangakong mga proyekto ang natupad. May ilan nang nakansela tulad ng 32-kilometrong Panay-Guimaras-Negros Bridge, na ayon kay Sen. Drilon ay ipauubaya na sa susunod na administrasyon. Mayroon na ring mga proyektong iniatras ng lokal na gubyerno, tulad ng Sangley Point International Airport Project.

Sa kabuuan, nakapagpautang pa lamang ang China sa Pilipinas ng ₱28.8 bilyon, malayo sa pautang ng Japan na ₱537.6 bilyon, Asian Development Bank (₱408 bilyon), at World Bank (₱254.4 bilyon).

Pagbakas kay Duterte

Kahit mistulang lista sa tubig ang pangakong pondo ng China kay Duterte, malaki na ang nakuha nitong kapalit. Pinakamalaki siyempre ang pinalawak nitong kapangyarihan sa West Philippine Sea. Kaya noong 2018, idineklara ng China na hindi sila papayag na palitan si Duterte.

Ang totoo, napakalaki ng naibulsa ni Duterte sa anyo ng suhol at pagkontrol ng ismagling ng droga mula China na naibalitang sikretong nakalagak sa bangko sa China. Kaya naman, asahan nang magtutuluy-tuloy ang pagbibigay ni Duterte sa China kapalit ng suportang pinansyal.

Hindi lahat ng nasa poder ni Duterte ay pikit-bulag na naniniwala sa mga pangakong napako ng China. Katunayan, sa gitna ng kanyang termino, bumalikwas na ang mga upisyal ng reaksyunaryong militar sa “China pivot” ni Duterte, at mas hayagang itinulak ang mas maraming aktibidad pandigma kasapakat ang militar ng US. May aktibo at retiradong mga upisyal ng militar na nagbabanta na tatalikuran ang rehimeng Duterte kung patuloy nitong bibitiwan ang mga karagatan at teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Alam ng China na kung magiging mabuway ang panatikong suporta ng rehimeng Duterte, maaaring mabaliktad ding muli ang lumalakas na pusisyon nito hindi lamang sa Pilipinas kundi sa Asia. Asahan nang, katulad ng US, magpapakita ng malaking interes (at makikialam) ang China sa eleksyong 2022.

Bumabakas ang China kay Duterte