Hadlangan ang pakanang palawigin ang tiraniyang Duterte
Ang pagkakapit-tuko ni Rodrigo Duterte sa poder ay tanda ng walang kalutasang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Iniluluwal nito ang pinakamasasamang anyo ng paghaharing reaksyunaryo na naglalantad sa bulok nitong kaibuturan. Lalong tumitingkad ang kawastuhan ng pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka upang wakasan ang paghahari ng mga reaksyunaryong uri at itaguyod ang demokratikong paghahari ng sambayanan.
Ilang buwan bago ang pambansa at lokal na eleksyong 2022, puspusan na ang naghaharing pasistang pangkating Duterte sa paghawan ng landas para palawigin ang kanyang tiranikong paghahari. Sa pulong ng liderato ng PDP-Laban na itinulak mismo ni Duterte, pinagtibay nito ang kasuklam-suklam na resolusyong sumusuporta sa pagkandidato niyang bise-presidente at pagpili sa kanyang magiging kandidatong pagkapresidente.
Malinaw na malinaw na ang hakbang na ito ay paraan upang ikutan ang pagbabawal sa konstitusyong 1987 laban sa muling pagtakbo ng nakaupong presidente, bagaman klarong paglapastangan sa isinasaad nitong diwang kontra sa matagalang pananatili sa poder ng mga dinastiya at diktador.
Ang maniobrang ito ang lumilitaw ngayong pangunahing taktika ni Duterte para bigyan ng “ligal” na bihis ang pananatili sa poder lagpas sa takdang termino sa 2022. Mangyari man, tiyak na si Duterte pa rin ang de facto o tunay na magiging presidente, kundi man paglipas ng panahon ay magbitiw sinuman ang kanyang pipiliing presidente para muli siyang iluklok sa kanyang trono sa Malacañang.
Ang pagpili ni Duterte sa ruta ng eleksyon na relatibong mas masalimuot kaysa mas maiksing tahasang pagpapataw ng pasistang diktadura para manatili sa poder ay tanda na hindi niya lubos na konsolidado ang naghaharing sistema sa kanyang pabor. Sa harap ng lumalalim na pagkabitak sa loob ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, hindi kaya ni Duterte na magdeklara ng batas militar na walang pangambang hindi ito iigkas sa kanya. Kinatatakutan niya ang pag-aalsa ng ilang mga upisyal na maka-US na kontra sa pagbibigay-daan niya sa papalaking impluwensya ng China at kanyang paboritismo sa pagbabahagi sa ilang upisyal ng korapsyon at kriminal na aktibidad.
Ang planong pagtakbo ni Duterte bilang bise presidente ay labis na ikinatuwa ng kanyang mga alipures na napaburan ng mataas na pusisyon sa burukrasya, mga kontrata sa gubyerno, korapsyon sa pondo ng bayan at pakinabang sa pagkontrol sa ismagling ng droga at iba pang kriminal na aktibidad. Namutawi sa kanilang mga bibig ang abot-langit na papuri sa diktador sa hangaring makapagbubulsa sila ng mas malaki pang balato sa susunod na anim na taon.
Subalit hindi maiaalis na ang plano ni Duterte na patuloy na hawakan ang poder lagpas sa 2022 ay nagbubunsod din ng lamat sa hanay ng mga alipures ni Duterte at sa kanyang alyansa sa mga Marcos, Arroyo at iba pang reaksyunaryong pangkat, na naghahangad na humawak ng mas malaking poder kundi man maupo sa tuktok ng kapangyarihan. Malaki ang pag-aalinlangan ng mga ambisyoso ring pulitikong maka-Duterte sa kanyang pagtakbong bise presidente. Hindi malao’y kakalas din sila sa hanay ni Duterte.
Malalim din ang pag-aagam-agam ng mga alyado ni Duterte sa plano niyang magbise presidente. Nakikita nila na ang nababalitang planong kuning presidente alinman sa anak niyang si Sara o utusang si Bong Go ay lalong magkokonsentra ng kapangyarihan sa mga Duterte. Sa isang panig, hindi rin nakatitiyak si Duterte na pagdating ng panahon ay papayag na yumuko sa kanya ang alyadong kukunin niya sakali na katuwang na presidente. Sa kabilang panig, mangangamba ang sinumang alyadong tatakbong presidente na pagbabalakan ni Duterte ang kanyang pwesto o buhay para makaupong muli sa tuktok. Ngayon pa lamang, kumikilos na ang ilang susing alyado ni Duterte na pigilan ang plano niyang manatili sa Malacañang. Kung itutulak ni Duterte ang kanyang pakana, ipakikipagsapalaran din niya ang katayuan ng kanyang alyansang pampulitika.
Sinalubong ng malawakang pagbatikos at pagtatakwil ang pag-anunsyo ng pakana ni Duterte na manatili sa poder lagpas sa 2022. Pagpapahayag ito ng labis na pagkapoot ng taumbayan sa tiraniya ni Duterte at ng masidhi nilang pagnanais na wakasan ang kanilang pagdurusa sa ilalim ng buhong na rehimen.
Ang pangungunyapit ni Duterte sa poder ay tanda ng labis niyang pagkagumon sa kapangyarihan at takot na panagutin sa kanyang mga kasalanan at krimen. Sa nagdaang halos limang taon, ginamit niya ang Malacañang sa pagkakamal ng yaman at pribilehiyo, sa pagtatraydor sa bayan kapalit ng ilang pakinabang sa mga imperyalistang dayuhan, sa pag-agaw ng negosyo ng mga karibal, sa pagpabor sa negosyo ng ilang oligarko at sa pag-agaw ng kontrol sa sindikato sa droga sa tabing ng kanyang “gera kontra droga” na kumitil sa 30,000 buhay. Habang kulang na kulang ang pondo para sa pagharap sa pandemya, para sa edukasyon at kalusugan, ibinuhos ni Duterte ang pera ng taumbayan sa militar at pulis upang gamitin ito sa malupit at maruming gera para sa desperadong pagsupil sa demokratikong mga pakikibakang masa at sa tangkang pagdurog sa rebolusyonaryong armadong kilusan.
Ang pagkahayok ni Duterte sa kapangyarihan ay katumbas ng pagkasuklam niya sa pambansa at demokratikong interes ng sambayanan. Sa loob ng limang taon, naghari-harian siya bilang isang tirano at ginamit ang karahasan ng estado para itarak ang takot sa dibdib ng bayan. Nais ni Duterte na manatili sa poder hanggang siya’y mamatay upang iwasang maparusahan sa kanyang korapsyon, pagtataksil at terorismo.
Sa harap nito, dapat ipamalas ng sambayanang Pilipino ang kanilang militanteng paninindigan para biguin ang mga pakana ni Duterte at singilin at pagbayarin siya sa lahat ng kanyang malalaking krimen laban sa bayan.
Itinutulak nito ang lahat ng demokratikong pwersa na magkaisa sa layuning wakasan sa lalong madaling panahon ang paghahari ni Duterte. Dapat organisahin at pakilusin ang malawak na hanay ng mamamayan para ikawing sa kanilang mga kagyat na kahilingan para sa dagdag sahod at ayuda ang sigaw para tapusin na ang anti-mamamayang rehimen. Habang abala ang iba sa paghamon kay Duterte sa eleksyon, nakatuon ang mas nakararaming pwersa sa pagpapalakas ng mga unyon at samahan sa mga pabrika, komunidad, paaralan, mga ospital at upisina. Dapat ilunsad ang malalaking pulong at pagtitipon upang palakasin ang determinasyon ng bayan sa paglulunsad ng kolektibong mga pagkilos sa lansangan at iba pang larangan. Dapat ding patuloy na palakasin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktikal na opensiba bilang ambag sa pagsisikap na wakasan ang pasistang rehimen.