Mega dam sa Apayao-Abulog River, tinututulan ng minoryang Isnag

,

Puspusang nilalabanan ngayon ng mamamayang Isnag sa Cordillera ang pagtatayo ng Gened Hyrdoelectric Power Plant, isang proyektong magtatayo ng dalawang dambuhalang dam na maglulubog ng kanilang mga komunidad. Anila, hindi sila pumapayag na itayo ang proyekto sa kanilang lupang ninuno, taliwas sa pinalalabas ng kumpanyang may hawak dito na mayroong pinirmahang kasunduan sa pagitan nito at mga residente.

Sasaklawin ng reservoir o pagpopondohan ng tubig ang 2,883 ektaryang lupang ninuno ng mga Isnag.

Gened 1 at Gened 2

Nakatakdang itayo ang dalawang dam–ang Gened 1 at Gened 2–sa Apayao-Abulog River na bumabaybay sa mga prubinsya ng Apayao at Cagayan. Ang Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation (PPRPPC), ang kumpanyang ginawaran ng proyekto, ay isa mga benepisyaryo ng $3 bilyong pautang mula sa China na inareglo noong bumisita si Rodrigo Duterte sa bansa.

Ilang dekada nang nakatengga ang proyekto dahil sa pagtutol ng mga residente. Noong 2017, sa ilalim na lamang ng rehimeng Duterte, iginawad ang environmental compliance certificate para sa proyekto.

Noong Abril, nagsimula na ang konstruksyon ng ₱33-bilyong Gened 1. Itatayo sa mas mataas na bahagi ng ilog ang pangawalang dam, ang P52-bilyong Gened Dam 2. Sinasabing makapagpoprodyus ang mga dam na ito ng 510 megawatts (MW).

Nakatakdang ibenta ang malilikhang kuryente ng mga dam sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na 40% pag-aari ng State Grid Corporation ng China. Sa kompyutasyon ng Dangadang, rebolusyonaryong pahayagan sa Cordillera, ang abereyds na kikitain ng PPRPPC kada oras ay ₱2,883.59. Sa loob ng isang taon, makapagbebenta ito ng 5.4 gigawatt/hour sa kabuuang halaga na ₱15.6 milyon.

Sa halagang ito, 1% o ₱155,572 lamang ang mapupunta sa estado. Kalahati nito ay mapupunta sa Department of Energy. Ang natitirang ₱77,857 ay hahatiin sa mga lugar na pinagtayuan ng dam—10% ay sa rehiyon, 30% sa prubinsya, 35% sa munisipyo at katiting na 25% sa barangay. Nasa ₱19,464 na lamang ang aabot sa mga taga-barangay kada taon.

Panlilinlang sa minoryang Isnag

Sa maagang bahagi ng 2021, dalawang beses na nagpasa ng mga resolusyon ang Isnag Indigenous Cultural Communities na kumakatawan sa 22 barangay na naglilinaw ng kanilang pagtutol sa proyekto.

Para ikutan ito, nagpatawag ng mga pulong ang PPRPPC noong Marso at Abril kung saan nilinlang nito ang mga residente at tusong pinapirma ng Free, Prior, and Informed Consent, isang dokumento na nagpapakita ng pagsang-ayon sa proyekto. Pinabulaanan din ng mga lider-katutubo na kanila ang mga pirma sa memorandum of agreement o MOA nang isapubliko ito ng kumpanya. Ilan sa mga “pumirma” ay hindi dumalo sa mga ipinatawag na pulong. Mayroon ding binawi ang kanilang mga pirma matapos maliwanagan sa tindi ng epekto ng proyekto sa kanilang kultura at komunidad.

Noong Mayo 30, pormal na hiniling ng asosasyon ng mga nakatatanda ng Isnag, kasama ang Kabuyao Youth, sa National Commission on Indigenous Peoples-Cordillera, na ipawalambisa ang naturang MOA.

Ilulubog ng proyekto ang 20 barangay na may mahigit 12,932 residente. Ililihis patungong reservoir ng dam ang lahat ng pinagkukunang tubig ng mga komunidad, palayan, taniman at hayupan. Kasabay ng pagtatayo ng dam, idedeklara bilang “watershed area” ang paligid nito. Ibig sabihin, ipagbabawal ang pagsasaka, pagbubukas ng bagong mga taniman, pangangahoy at iba pang kabuhayan ng mga Isnag na nakaasa sa kanilang lupang ninuno. Sa panahon ng malakas na pag-ulan, tiyak na aapaw ang tubig sa dam at babahain ang karatig pang mga barangay. Bulnerable din itong gumuho dulot ng lindol dahil malapit ito sa Bangui Fault Line.

“Kamatayan ang patutunguhan nito (proyektong dam). Marami ang malulunod, ipagbabawal ang pagtatanim. Mahalagang tutulan at masigasig na labanan natin ito. Lumahok tayong lahat sa laban. Mag-armas tayo!” Ito ang paninindigan ng isang nakatatanda ng minoryang Isnag na nakatira sa Kabugao, Apayao. Mula pa 2004 nilalabanan ng kanilang tribu ang proyekto.

Mega dam sa Apayao-Abulog River, tinututulan ng minoryang Isnag