Mga sundalo sa Quezon, pinalayas ng taumbaryo

,

Pinuri ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) sa isang pahayag noong Hunyo 2 ang ipinamalas na katapangan at pagkakaisa ng mamamayan ng Quezon para patalsikin ang apat na kampo militar sa kani-kanilang mga baryo. Sa pamamagitan ng sama-samang paninindigan sa anyo ng mga petisyon at iba pa, napalayas ng mga residente ng barangay Sta. Elena at Cawayan sa Lopez; at Vista Hermosa at P. Herrera sa Macalelon ang mga sundalong nakakampo sa kanilang lugar.

Inireklamo ng mga residente ng Barangay Sta. Elena ang bandalismo ng mga sundalo sa kanilang barangay hall. Nag-iiwan ng kalat at dumi ang mga sundalo na pinalilinis sa taumbaryo. Bunsod nito, nagkaisa ang mga residente na pagbawalan na tumuloy sa barangay ang mga pasista.

Sa Barangay Cawayan, napilitang umalis ang mga sundalo dahil ayaw ng mga residente na malapit ang kampo sa baryo.

Napalayas din ng mga taga-barangay Vista Hermosa ang mga sundalong nakakampo sa kanilang lugar dahil sa kaguluhan at perwisyong inihahatid ng mga sundalo. Noong Enero 31, namatay ang alagang kabayo ng isang residente matapos magpaputok ang lasing na mga tropa ng CAFGU at militar. Ito ang isa sa naging mga dahilan para magpetisyon ang taumbaryo sa Sangguniang Barangay na palayasin sila. Noong Mayo 17, inilipat ng mga sundalo ang kampo sa karatig-baryo na P. Herrera, pero sinalubong rin sila doon ng nagrereklamong mamamayan.

Pinalayas nila ang mga sundalo sa gitna ng mahigit isang buwan nang mga nakapokus na operasyong militar ng 59th IB at 85th IB sa 34 barangay ng Lopez, Macalelon at Gumaca. Umaabot sa dalawang laking-kumpanyang tropa ng militar, pulisya at CAFGU ang nag-operasyon sa naturang mga barangay. Nagsisilbi silang bantay sa konstruksyon ng dalawang mapanirang proyektong dam sa Barangay Vista Hermosa.

Pinatunayan ng mga pagpapalayas na ito na hindi hadlang ang sandata at pananakot ng militar sa pagbubuklod ng bayan. Anang NDF-ST, ang tapang at paninindigan ng mga taga-Quezon sa pakikipaglaban para sa kanilang kapakanan ay dapat paghalawan ng inspirasyon at tularan ng lahat ng mamamayan ng Southern Tagalog na piniperwisyo ng mga sundalong nagkakampo sa kanilang mga baryo.

Mga sundalo sa Quezon, pinalayas ng taumbaryo