Pagbili ni Dennis Uy sa Malampaya Gas Project, ipinarerepaso ng Senado
Ipinarerepaso ng Senado sa Department of Energy ang magkasunod na pagbili ng kumpanya ni Dennis Uy na Udenna Corporation sa Malampaya Deep Water Gas-To-Power Project mula sa Royal Dutch Shell nitong taon at sa Chevron Corporation noong 2019. Ang naturang proyekto ang kaisa-isang operasyon ng pagmina ng natural gas sa bansa. Matatagpuan ito sa karagatan ng Palawan.
Binili ni Uy ang 45% sapi ng Shell sa proyekto sa halagang ₱18.2 bilyon. Nakatakda siyang magbayad ng dagdag na ₱3.8 bilyon sa 2022-2024. Samantala, napinal ang pagbili niya sa 45% sapi ng Chevron sa halagang ₱27.1 bilyon noong Marso 2020. Sa kabuuan, lampas $1 bilyon o ₱48 bilyon ang ipinalitaw ni Uy para makontrol ang proyekto.
Binitawan ng dalawang dayuhang kumpanya ang kanilang operasyon dahil malapit nang maubos ang reserbang gas sa lugar. Mula 2024 hanggang 2027, tinatayang tuluyan nang mauubos ang natitirang 859 milyong standard cubic feet ng natural gas sa lugar. Sa aktwal, ang binibili ni Uy ay hindi ang matitirang natural gas kundi ang lumang mga production well at pipeline na iiwan ng mga kumpanya.
Nagsusuplay ang Malampaya Gas Project ng 35% ng kuryente sa Luzon. Ang gas na nakukuha sa proyekto ay pinoproseso ng First Gen Corporation at ibinebenta ang kalakhan nito (56%) sa Meralco na nagsusuplay ng kuryente sa Metro Manila.
Ang kapital na ginamit ni Uy para bilhin ang 90% ng Malampaya ay purong dayuhan. Nanggaling pangunahin ang utang sa Australia and New Zealand Banking Group at ING Bank. Sa kaso ng pagbili ng sapi ng Shell, pinangasiwaan ang transaksyon ng Farallon Capital, isa sa pinakamalaking hedge fund ng US.
Marami ang nagtataka na pinautang si Uy ng dayuhang mga bangko para bilhin ang Malampaya Gas Project. Noong Abril lamang, naibalita na baon siya sa utang nang hanggang $2 bilyon at nasa proseso siya ng pagbebenta ng iba niyang ari-arian. Wala ring karanasan ang kumpanya ni Uy sa mga operasyon ng pagmimina ng natural gas.