#Kwentong: Kasama Ka Josh, Pulang Kumander, Rebolusyonaryong Ama
Ang #KwentongKasama ay serye ng mga kwento ng mga Pulang mandirigma sa rehiyong Bicol. Inilathala ito ng rebolusyonaryong kilusan ng Bicol sa pagdiriwang ng ika-52 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan.
Haligi ng tahanan. Tagapagtaguyod ng pamilya. Napakalaki ng responsibilidad na ibinabalikat ng isang ama, laluna kung wanted ka. Pero masasabi ninyong ako ang tradisyunal na magsasaka – gusto ko talagang magkaroon ng mga anak. Hindi ko makakalimutan ang naramdaman ko nung nabalitaan ko na isa na akong ama. Nag-uumapaw noon ang galak sa aking dibdib. Nakakatuwang isiping mayroon kang salinlahing magpapatuloy hindi lang ng iyong lahi, kung hindi pati na rin ng adhikain ng rebolusyon.
Pero, malamang, hindi ako magiging mabuting ama kung hindi ako naging Hukbo. Bulakbol ako bilang sibilyan – at alam iyan ng mga kasama. Mayroong isang beses na, sa sobrang lasing ko, natakot ang mga kasama sa akin dahil bigla ko silang hinabol. Siyempre, sa kwento ko na lang din nalaman iyon at matindi talaga ang tama ko noong panahong iyon. Kahit nga bilang Hukbo, hindi ko masasabing ako ang perpektong ehemplo ng pagsunod sa disiplina. Nagsumikap, at patuloy na nagsusumikap maging mabuting kasama.
Paano nga ba pagsabayin ang pagiging ama at ang pagiging Hukbo? Karaniwan iyang tanong sa akin ng mga mandirigmang kumuha sa akin maging ninong, nag-iisip magpamilya o mga simpleng nag-aalam lang. Hindi ko masasabing madaling maging magulang habang tumatangan ng responsibilidad bilang isang mandirigma. Maraming gabing hindi ako nakakatulog dahil iniisip ko ang seguridad ng aking mga anak. Mayroong ilang gabing kailangan mong palakasin ang paninindigan mo upang mapanatag ang sarili mong nasa maayos silang kalagayan. Ang una kong anak, muntik ko nang hindi makita nang ilayo siya sa akin ng kanyang ina dahil hindi nito kaya ang mga sakripisyong kaakibat ng rebolusyon. Dahil hiwalay na kami, hindi ko rin madalaw ang anak ko sa bahay ng kanyang ina dahil wanted ako at mayroong malapit na detatsment sa kanila. Ang pangalawa ko namang anak, aba, nagmaniobra na nang ilang bayan dahil sa panunugis ng kaaway kahit hindi pa nakakalakad!
Ngunit sana hindi ninyo isiping ipinapahamak ko ang aking mga anak dahil sa trabaho ko. Hindi ko kailanman pinagsisihang maging Pulang mandirigma. Hindi ko kailanman naisip na bumaba upang ipagtanggol ang aking mga anak. Paano ko nga naman sila maipagtatanggol kung wala akong baril? Paano ko sila ipagtatanggol, kung ako ay sibilyan, at maaari lamang hulihin o patayin ng mga kaaway? Paano ko sila ipagtatanggol sa isang sistemang tiyak mang-aapi at magsasamantala rin naman sa kanila kapag sila ay tumanda na at nagtrabaho? Dito. Dito ko lang sila sa rebolusyon tunay na maipagtatanggol. Tiyak ang bawat pagsulong ng gawain sa rebolusyon ay isang hakbang sa pagpupundar ng magandang kinabukasan para sa kanila, sa kanilang mga apo at mga susunod pang henerasyon.
Dito sa rebolusyon, hindi ka lang ama ng iyong mga anak. Hindi ka lang haligi ng iisang tahanan. Ang pagpapatibay ng aking sarili at ng aming pamilya ay katumbas ng higit na pagpapalakas at pagpapalawak ng isang pakikibakang tiyak na magpapatuloy lampas pa sa buhay ng aking mga apo.
Oo, minsan nangungulila naman ako sa kanila. Hindi ko naman ipinagkakait sa sarili kong makaramdam ng kalungkutan. Minsan, nag-uusap kami ng asawa ko kung gaano ka-pogi ngumiti si Nonoy sa mga bidyu niya. Siyempre dahil ako ang ama niya, kaya wala itong ibang pagmamanahan nang pagkapogi niya. Hindi ko siya maihahatid sa eskwelahan sa unang araw ng pasukan. Hindi ko siya matuturuan ng Math o mahehele bago matulog. Maaaring sa susunod na magkita kami, binata na siya. O kaya ang panganay ko, mayroon nang nililigawan o mag-aasawa na. Ang tiwala ko sa Partido, sa aking mga magulang na nag-aalaga at sa masang sumusuporta at nakapalibot sa kanila, ang tanging kapanatagan kong kahit wala ako sa tabi nila, tiyak mabuti ang kanilang kalagayan.
Hindi ko man sila araw-araw nakakasama, alam ko sa sarili kong mahal na mahal ko ang aking mga anak. Inspirasyon silang higit na nagpapasigla sa aking gumampan ng mga gawain sa Hukbo. Sana, balang araw, makita ko sila at personal na mapaliwanagan kung ano ang halaga ng rebolusyon. Sana, balang araw, mabigyan ko sila ng pampulitikang pag-aaral, makakwentuhan tungkol sa buhay dito sa Hukbo, at ang pinakamasaya, makasama sila sa trabaho. Sa ngayon, sasapat muna ang paghele ko sa kanila sa pagtawag.
‘Wag kayong mag-alala, mga anak. Bitbit ko ang bawat ngiti, halakhak, iyak at alaala ninyo – bawat araw, bawat gabi, sa bawat saglit. Ang bawat pagputok ng aking riple, bawat hakbang, bawat abrasa sa masa at lahat ng pagsusumikap ng buong rebolusyon ay alay sa inyong kinabukasan. Hintayin ko kayo rito.