5 magsasaka at pastor, arbitraryong inaresto
Limang magsasaka at isang pastor ang arbitraryong inaresto habang isang detenidong pulitikal ang namatay sa kulungan nitong nagdaang dalawang linggo.
Sa Sorsogon, tatlong magkokopra ang dinukot ng 31st IB sa Donsol noong Hunyo 6. Ang mga biktima ay sina Etoy Magdamit Jr. at Antonio Razo Jr., kapwa residente ng Barangay San Francisco, at si Salvador Moscoso, residente ng Barangay Cabugao. Inilitaw sila at ipiniit sa kampo ng 31st IB.
Sa Zamboanga del Norte, inaresto sa gawa-gawang mga kaso ng pagpaslang at bigong pagpaslang si Pastor Benjie Gomez, pastor ng United Church of Christ in the Philippines sa Mutia noong Hunyo 6. Noong 2014, ibinasura na ng korte ang katulad na mga kaso laban sa kanya.
Sa Negros Occidental, iligal na inaresto ng 62nd IB at 94th IB ang mga magsasakang sina Kenneth Nabong at Jayson John Gazon ng Barangay Buenavista, Himamaylan City noong hatinggabi ng Hunyo 9. Tinortyur at tinamnan ng baril ang dalawa.
Samantala, namatay sa New Bilibid Prison noong Hunyo 13 ang bilanggong pulitikal na si Jesus Alegre, 75, matapos manghina dahil sa pagtatae, dayabetis at sakit sa baga. Labing-anim na taon na siyang nakapiit sa gawa-gawang kasong pagpaslang na isinampa ng panginoong maylupa na umagaw sa kanyang lupa sa Sagay, Negros Occidental. Nakapiit rin ang 74-taong gulang na asawa niyang si Moreta at 47-taong gulang na anak niyang si Selman sa parehong kaso. Noong Mayo, dalawang bilanggong pulitikal (Joseph Canlas at Maximo Redota) ang magkasunod na namatay dahil din sa kapabayaan at pagtanggi ng rehimen na palayain ang mga maysakit at matatanda nang detenido.