Ang maging bakla sa BHB

,

Basahin ang mas mahabang bersyon: Ang maging bakla sa BHB

Noong bata pa ako, gusto ng Tatay ko na magsundalo ako para matanggal ang pagkabakla ko. Malaki na ako ngayon at baklang-bakla pa rin pero natupad pa rin ang pangarap niya. Yun nga lang, naging sundalo ako ng iba, mas magaling na hukbo. Isa akong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.”

Madalas idinadaan ni Ka Oliver sa biro ang kanyang karanasan ng paglaki sa loob ng isang konserbatibong pamilya sa pakikipagkwentuhan niya sa mga kasama sa Southern Mindanao. Isa siya sa maraming mga bakla at lesbyana na mga kasama na yumakap sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Pero pagdating sa pagpapaliwanag ng kanyang paninindigan, seryoso at determinado siya.

“Ang tanging paraan para sa mga LGBTQ na lumaya sa pang-aaping nakabatay sa kasarian ay ang pagbaklas sa pang-aaping nakabatay sa uri.” Para sa kanya, dapat bahagi ng pakikibaka ng mga Pilipinong LGBTQ (lesbyana, gay [bakla], bisekswal, transgender at queer) ang paglalansag sa malakolonyal at malapyudal na lipunan na nagluwal at nagpapanatili ng pang-aapi, diskriminasyon at pasistang panggigipit hindi lamang sa mga LGBTQ kundi sa lahat ng inaaping uri.

Bago naging myembro ng hukbong bayan, malaki ang impluwensya kay Ka Oliver at sa konsepto niya ng “gay pride” (paghahayag ng pagiging bakla) ang mga burgis na ideya at pilosopiyang nakasentro sa indibidwal na pagpaparaya at malayo sa reyalidad ng makauring pakikibaka. Noon, nakupot siya sa pride at pagtanggap sa sarili nang hiwalay sa materyal na mga kundisyon at istruktura na nagkakait sa mga bakla at di bakla sa kanilang batayang mga karapatan. “Paano tayo magkakaroon ng pride o respeto at dangal sa sarili kung di tayo makapag-aral, inaalila tayo, di tayo sapat na pinasasahod, di natin mapakain ang ating mga pamilya, kung pinalalayas tayo sa ating mga lupa o pinagkakaitan ng pinagkukunan ng kabuhayan?”

Giit ni Oliver na ang pagiging “woke” o mulat na bakla ay nangangahulugan ng pagtangan ng mga usapin labas sa pulitika ng gender identity. “Nakikipagkaisa ka dapat sa ibang uri at sektor. Bakla o di bakla, lahat tayo ay biktima ng sistema ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo,” ayon pa sa kanya.

Ang bakla bilang mandirigma

Ang buhay sa kanayunan ay may sariling mga hamon para sa mga bakla. Pero para kay Oliver, napagagaan ito ng respeto at suporta ng Partido Komunista ng Pilipinas at BHB sa mga LGBTQ.

Pana-panahon, nakararanas siya ng mga hibo ng diskriminasyon at patriyarkal na kaisipan. Pero di hamak na malayo ang mga ito sa brutal at sistematikong diskriminasyon na dinanas niya bago siya pumaloob sa rebolusyonaryong kilusan. “Sa tagal ko sa BHB, alam ko na ang mga komentong malamya o mahina ang mga bakla ay di para manakit o manghiya. Madalas, impluwensya ito ng isang-panig at mapangutyang representasyon ng mga bakla sa masmidya. Pwede ring nagmumula ito sa pag-aalala ng isang magsasaka sa isang ‘malambot’ na petiburges.”

Para baguhin ang nakalilimitang pananaw, aktibong nakikipagtalakayan si Oliver para hamunin ang pagkakahon ng mga indibidwal sa kanilang kasarian.

“Bilang mga myembro ng komunidad ng LGBTQ, hindi pwedeng pasibo lang nating hintayin ang pagkilala sa atin. Imbes na maghintay na tanggapin tayo ng masa, puntahan natin sila at ibahagi natin ang ating mga karanasan at pakikibaka. Dito rin natin matututuhan ang kanilang mga laban, at matukoy sa aktwal ang magkaugnay at komun nating mga pakikibaka.”

Anumang kiling mayroon ang ilang kasama at masa laban sa mga bakla, naniniwala si Oliver na mapangingibabawan ang mga ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na edukasyon, proletaryong paghubog sa sarili at pagpuna-at-pagpuna sa sarili. Siya mismo ay nakikipagbuno pa rin sa sarili para itakwil ang mga indibidwalista at liberal-burges na konsepto ng “gay pride,” na nakikita niyang ginagamit ng naghaharing uri para panatilihin ang kasalukuyang sistema at palabuin ang tunay na mga ugat ng sistematikong diskriminasyon sa mga LGBTQ.

Rebolusyonaryong pakikipagrelasyon

Noon pang dekada 1990 itinakda ng Partido na lahat ng mga relasyong LGBTQ ay papaloob sa kolektibong pagpapaalam at pagpapaunlad tulad ng mga heterosekswal na relasyon. Ang mga magkasintahan at mag-asawang LGBTQ ay mayroong pantay na mga karapatan sa loob ng kanilang relasyon, gayundin ng suporta at kalinga ng Partido tulad ng mga magkarelasyong heterosekswal o romantikong relasyon ng lalaki’t babae.

“Hindi lamang bukambibig ng Partido ang pagtanggap at proteksyon sa mga LGBTQ. Isa itong prinsipyo,” ayon pa kay Oliver.

“Sa tingin ko, ngayon na bahagi na ako ng isang mas malaking kolektiba, sa isang mas malawak na pakikibaka, ang mahigpit na pagtangan ko ng disiplina ay di lamang sa pagpigil ng libog kundi isang aspeto ng pagpapanibagong hubog ko bilang proletaryado.”

Sa paggunita sa Buwan ng Pride ngayong Hunyo, buo ang dangal at paggalang-sa-sarili na iwinawagayway ng mga baklang rebolusyonaryo ang bandila ng pambansa-demokratikong pakikibaka. “Hindi makakamit ang tunay na pride kung di makakamit ang paglaya nating lahat,” pagtatapos ni Oliver.

Ang maging bakla sa BHB