Ilang susing impormasyon ukol sa industriya ng langis sa Pilipinas

,

Ang katayuan ng industriya ng langis sa Pilipinas ang isa sa nagpapakita ng atrasadong kalagayan ng ekonomya ng bansa. Dahil mababa ang kapasidad sa produksyon o pagrerepina, ang lokal na industriya ng langis ay lubhang nakasalalay sa pag-aangkat ng mga yaring produkto. Lalo pa itong sasalalay sa importasyon dahil sa hinaharap na matinding kompetisyon mula sa mga dambuhalang nagrerepina ng langis, laluna mula sa China.

Sa kalakhan, binubuo ang lokal na industriya ng langis ng pag-aangkat ng yaring mga produktong petrolyo (gasolina, diesel, kerosene at iba pa), pag-iimbak at distribusyon nito. Nag-aangkat din ng krudong langis para sa lokal na pagrerepina na nagsusuplay sa wala pa sa kalahati ng bentahan ng mga produktong langis. May maliit na bahagi ng pagmimina ng natural gas sa karagatan sa kanlurang bahagi ng Palawan, ngunit lubhang mababa ang kantidad dito, at inaasahang masasaid sa loob ng isa o dalawang taon.

Dalawang higante. Ang distribusyon ng langis sa Pilipinas ay pinaghaharian ng dalawang higanteng kumpanya: ang Petron Corp. na may kontrol sa 24.88% ng pamilihan, at ang Pilipinas Shell Petroleum Corp. na may 18.25%, o pinagsamang 43.85% ng kabuuang bentahan. Ang Petron, dating hawak ng gubyerno ng Pilipinas, ay pag-aari ngayon ng San Miguel Corporation. Ang Pilipinas Shell ay subsidyaryo ng multinasyunal na kumpanyang BP-Shell. Ang Petron at Shell ay palaging kabilang sa limang pinakamalaking kumpanya sa bansa. Noong 2019, ang Petron ang numero unong kumpanya kung susukatin sa laki ng benta.

Kasunod ng Petron at Pilipinas Shell ang Phoenix Petroleum Philippines na may 6.86%, Unioil na may 6.48%, at Chevron Philippines (Caltex) na may 6.13%. Sa kabuuan, hawak ng limang pinakamalaking kumpanya na ito ang 62.6% ng bentahan ng mga produktong petrolyo.

Ang natitirang bahagi ay pinaghahatian ng iba pang mas maliliit na kumpanya: PTT Philippine Corp. (PTTPC), Total Phils., Seaoil Phil. Inc., TWAInc., Liquigaz, Prycegas, Micro Dragon, IslaGas, Jetti, Eastern Petroleum, Petrotrade, South Pacific, Marubeni, SL Harbour, Rockoil, RK3 Int’l., Insular, ERA 1, High Glory, Warbucks, Perdido, Golden Share and Filoil Logistics Corp. at iba pa.

Humina ang bentahan at lumiit ang kita ng mga kumpanya sa langis noong unang hati ng 2020 dahil sa ipinataw na mga restriksyon sa ilalim ng mga lockdown. Gayunman, mabilis na nakabawi ang mga kumpanyang ito sa ikalawang hati ng taon. Nagrehistro ang Petron ng ₱1.6 bilyong kita noong ikatlong kwarto, at ₱1.2 bilyon ng huling kwarto ng 2020. Nagrehistro naman ng ₱400 milyong kita ang Shell noong huling kwarto, matapos indahin ang mga pagkalugi dahil sa pagsasara ng planta nito sa pagrerepina sa Batangas.

Pag-aangkat ng langis. Kalakhan ng mga kumpanyang ito ay pawang nag-aangkat ng mga yaring produktong langis at tagabenta lamang sa pamilihan. Hanggang noong kalagitnaan ng 2020, 60% ng binebentang gasolina, diesel at iba pang produkto sa bansa ay tuwirang inaangkat. Lalo pa itong lumaki dahil sa pagsasara ng planta ng Shell sa Tabangao, Batangas noong Setyembre 2020. Simula Enero 2021, 100% na ng bentang mga produktong langis sa Pilipinas ay inaangkat matapos isara ng Petron ang operasyon ng planta sa pagrerepina sa Limay, Bataan. Nagdeklara itong itutuloy ang operasyon sa darating na Hulyo matapos pangakuan ng kaltas sa buwis, subalit nangangamba na patuloy na malulugi sa harap ng mabigat na kompetisyon.

Mas malaking higante ang China. Papalaki ang kontrol at dominasyon ng China sa pagrerepina ng krudo at pag-eeksport ng mga yaring produktong langis, laluna sa Asia-Pacific. Noong ikatlong kwarto ng 2020, umabot sa 64% ng inaangkat na diesel sa Pilipinas ay mula sa China. Noong Enero hanggang Nobyembre 2020, sumirit nang 434.1% tungong 1.7 milyong metriko tonelada ang inaangkat ng bansa na gasolina mula sa China. Nag-aangkat din ang Pilipinas mula sa Japan, South Korea, Singapore at iba pang bansa.

Ang China na ang bansang may ikalawang pinakamalaking kapasidad sa pagrerepina ng langis, at inaasahang mauunahan ang US sa loob ng ilang taon. Ito ang pinakamalaking taga-angkat ng krudong langis sa buong mundo at may pinakamalaking kapasidad sa pag-iimbak nito. Dominado ngayon ng China ang bentahan ng mga produktong petrolyo sa Asia. Kabilang sa pinakamalaking kumpanyang Chinese ang PetroChina (China National Petroleum Corporation) at ang Sinopec. Dahil sa laki ng produksyon ng China, sunud-sunod na naobligang magsara ang mga planta ng pagrerepina sa Australia at Singapore (Shell at Exxon).

Ilang susing impormasyon ukol sa industriya ng langis sa Pilipinas