Insidente sa Masbate, iimbestigahan ng NDFP

,

Isasagawa ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang imbestigasyon sa insidente ng pagkadamay ng mga sibilyan sa armadong aksyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Masbate noong Hunyo 6 sa Barangay Anas, Masbate City.

Anang NDFP, ang gayong imbestigasyon ay obligasyon nito sa ilalim ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinagkasunduan nito at ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP). Isasagawa ang imbestigasyon alinsunod sa mga batas at tuntunin ng demokratikong gubyernong bayan at hukbong bayan. Kung may kasong kriminal (sinadya o labis na kapabayaan), maaaring sampahan ang mga nagkasala sa korteng militar o hukumang bayan.

Nilinaw ng NDFP ang hurisdiksyon nito matapos ang pagpupumilit ng AFP at ng rehimeng Duterte na “isuko” ng BHB ang sangkot na mga mandirigma. Ayon dito, walang ligal at moral na katayuan ang GRP na imbestigahan o litisin ang sinumang myembro ng rebolusyonaryong kilusan, kahit mapatunayan silang nagkasala. Ang tamang mekanismo para rito ay ang itinayong Joint Monitoring Committee na matagal nang ipinanawagan ng NDFP na galangin ng GRP.

Bago nito, ipinaabot ng BHB-Masbate at BHB-Bicol ang pakikiramay at mariing pagpuna nito sa sarili sa pagkamatay ng magpinsang Kieth, 21, at Nolven Absalon, 40, at sa pagkasugat sa 16-taong gulang na anak ng nakatatandang Absalon. Kasabay ng pagpuna sa sarili, humingi ng kapatawaran ang BHB-Bicol sa pamilyang Absalon at nagpahayag ng kahandaang magpaabot ng anumang nararapat na bayad-pinsala. Ayon sa paunang ulat, nagbibisikleta ang magpinsan nang sumabog ang isang landmine sa kanilang dinadaanan. Agad na namatay ang dalawa. Ang nakababatang Absalon ay isang estudyante, habang ang kanyang pinsan ay nagtatrabaho sa kooperatiba ng elektrisidad sa syudad.

Sa harap nito, binatikos ng NDFP ang AFP sa paggamit sa insidente para magkalat ng maling impormasyon kaugnay sa lehitimong paggamit ng mga command-detonated landmine sa ilalim ng mga internasyunal na batas.

Malugod ding humingi ng paumanhin sa pamilya ang pamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas at BHB. Anito, kailangang masusing tasahin at tukuyin ng yunit ng BHB ang mga kahinaan at pagkakamali sa naganap na insidente upang ang mga iyon ay iwasto.

Insidente sa Masbate, iimbestigahan ng NDFP