Kaso ni Duterte sa ICC, gumugulong

,

Pormal na humingi ng awtorisasyon noong Hunyo 14 si Fatou Bensouda, punong taga-usig ng International Criminal Court (ICC), sa mga husgado ng naturang korte para buksan ang imbestigasyon sa “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte kaugnay sa mga reklamong isinampa ng mga biktima laban dito. Nagretiro si Bensouda noong Hulyo 15 at pormal siyang pinalitan ni Kharim Khan na magtutuloy sa kaso.

Ikalawang yugto ito sa anim na hakbang na proseso ng paglilitis ng ICC sa mga kriminal na kasong inihain sa korte. Tapos na ang paunang eksaminasyon (unang yugto) kung saan ipinirme ni Bensouda na may “resonableng na batayan para paniwalaang naganap ang krimen laban sa sangkatauhan na pagpaslang” sa pagitan ng Hulyo 16, 2016 (unang araw ng pag-upo ni Rodrigo Duterte) hanggang Marso 16, 2019 (araw na pormal na kumalas ang Pilipinas sa ICC) sa “balangkas ng gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte.

Ayon kay Bensouda, kahit pa umalis ang Pilipinas sa ICC noong 2019, maaari pa ring suriin ng korte ang mga krimen sa panahong myembro pa nito ang bansa.

Saklaw ng ICC ang paglilitis ng apat na tipo ng krimen—henosidyo, mga krimen sa balangkas ng gera, krimen laban sa sangkatauhan at krimen ng agresyon na ayaw litisin ng mga kasaping bansa. Kasunod na yugto ng imbestigasyon ang paunang paglilitis (pre-trial), paglilitis, pag-apela at huli ang pagpapatupad ng parusa.

Kaso ni Duterte sa ICC, gumugulong