Menor de edad, 2 pang Lumad, minasaker ng 3rd SFB
Walang pakundangang pinaputukan ng mga pwersa ng 3rd Special Forces Battalion (SFB) ang anim na Lumad-Manobo sa Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong hapon ng Hunyo 15. Pinaniniwalaang tinortyur bago brutal na pinaslang ang tatlo sa kanila—sina Willy Rodriguez, 32, Lenie Rivas, 21, at ang 12-anyos na kapatid niyang si Angel Rivas. Pinaniniwalaang ginahasa ang magkapatid na Rivas bago tadtarin ng bala ang kanilang mga ari. Ang tatlo pang magsasaka ay nakatakas.
Estudyanteng Grade 6 ang batang Rivas sa Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education. Sina Lenie Rivas at Rodriguez ay mga kasapi ng organisasyong Lumad na Malahutayong Pakigbisog alang sa Sumusunod (MAPASU). Lahat sila ay mga residente ng Sityo Panukmoan, Diatagon.
Tinangka ng 3rd SFB na tabunan ang krimen sa pagsabing mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang tatlong biktima. Matagal nang nakakampo ang mga pwersa ng 3rd SFB at 48th IB sa Sityo Manluy-a sa Diatagon para bulabugin at palayasin ang mga Lumad sa kanilang mga komunidad dito at hawanin ang daan sa pagpasok ng malalaking kumpanyang mina sa Andap Valley.
Nagprotesta sa harap ng Commission on Human Rights ang iba’t ibang progresibong grupo noong hapon ng Hunyo 17 para kundenahin ang masaker. Ang masaker na ito ay ika-25 sa ilalim ng rehimeng Duterte at ikalawa na sa Diatagon.