Kalatas June 2021 | Mga residente sa Interlink Beach, dinahas
Dinahas at pinagkaitan ng kabuhayan ng mga pulis at gwardya ng Canyon Cove (CC) ang mga residente ng Interlink Beach sa Brgy. Wawa, Nasugbu, Batangas. Pilit inaangkin ng mga komprador ang lupa sa pakikipagsabwatan sa mga kasapi ng local government units (LGU) na katulad nina Brgy. Captain Vicente Atienza, Municipal Engineer Romeo Velasco at Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) Fransisco Amuyo.
Noong Hunyo 17, bandang alas-4 ng hapon, dinemolis ng mga pulis at gwardya ng Canyon Cove ang 10 cottages sa Interlink Beach sa pangunguna ng Head Security ng CC na si Jonathan Yumul. Bago ito, hinarangan ng mga gwardya ng CC at ng mga opisyal ng barangay ang kalsada patungo sa Interlink Beach.
Dahil sa iligal na panghaharang, naglunsad ng dayalogo ang mga residente sa mga LGU noong Hunyo 16. Sa dayalogo, pumayag lamang si Velasco na tanggalin ang harang kung gigibain ng mga taumbaryo ang mga cottage.
Matapos ang paggigiba, hinaras at dinahas naman ng mga gwardya ng CC ang mga manininda sa Interlink Beach noong Hunyo 19. Winasak ng mga ito ang mga tindahan at pinagbawalan na magtinda sa tabing dagat. Bunsod nito, napilitan ang mga manininda na pansamantalang ilipat ang kanilang mga tindahan.
Higit pang nagdurusa ang mga residente ng Interlink Beach dahil sa pagkawala ng kanilang kabuhayan. Ang community resort ay nagsilbing pang-dugtong sa krisis na kinakaharap nila sa pandemyang COVID-19.###