Papasamang kalagayan ng paggawa at produksyon sa industriya ng asukal
Tuwing papalapit ang Tiempo Muerto, karaniwan nang naghahanap ng alternatibong mapagkakakitaan ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa mga plantasyon ng tubo. Ang Tiempo Muerto ay tumutukoy sa pagitan ng crop season ng tubo mula Agosto hanggang Setyembre. Sa panahong ito, halos wala silang kita.
Ayon sa konserbatibong sarbey ng estado, ang mga magsasaka ng tubo ang ikalawang may pinakamababang arawang sahod (₱273) sa mga manggagawang agrikultural sa bansa. Mas mababa pa rito ang kanilang kinikita ayon sa datos ng National Federation of Sugar Workers. Ayon sa grupo, nasa ₱1,000-₱1,500 lamang kada kinsenas (₱67-₱100 kada araw) ang abereyds na natatanggap ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa panahon ng kabyaw, habang nasa ₱200-₱500 (₱13-₱33 kada araw) sa panahon ng Tiempo Muerto. Malayo ito sa arawang mga minimum na sahod sa mga rehiyon (₱295-₱500) at laluna sa tayang disenteng sahod na ₱1,059.
Iniikutan ng mga asendero ang pagbibigay ng nakatakdang minimum sa pamamagitan ng iskemang pakyawan kung saan sinasahuran ang mga manggagawang bukid batay sa kota. Sa isang tubuhan sa Isabela, nasa ₱16-₱50 lamang ang arawang sahod para sa pagbubunot ng damo, ₱40-₱70 sa pagtatanim, ₱150 sa pag-aabono, ₱94 sa regular na pag-asikaso sa tubuhan, at ₱225-₱250 sa pag-aani.
Industriya ng asukal
Ayon sa datos ng Sugar Regulatory Administration (SRA), 789,681 Pilipino ang kasalukuyang nagtatrabaho sa industriya ng asukal. Mayorya sa kanila ay mga manggagawang bukid (686,968) at magsasaka (88,748) na direktang lumalahok sa produksyon ng tubo. Mayroon namang 13,965 na nagtatrabaho sa mga asukarera. Nasa 85% sa mga magsasaka (75,241) ang nagbubungkal ng hindi tataas sa limang ektaryang tubuhan. Gayunpaman, laganap sa sektor ang pangangamkam at rekonsentrasyon ng lupa sa pamamagitan ng iba’t ibang kaayusan sa pagsasaka gaya ng sugar block farming, stock distribution option, aryendo at agribusiness venture agreement.
Ang tubo ang nangungunang produktong agrikultural ng Pilipinas batay sa bolyum ng napoprodyus nito. Noong 2019, katumbas ng halos sangkapat ng kabuuang bolyum ng lokal na produksyong agrikultural ang bolyum ng naaning tubo sa bansa. Halos dalawangkatlo nito ay mula sa Western Visayas.
Saklaw ng mga tubuhan ang 398,478 ektaryang lupang agrikultural sa 10 rehiyon sa bansa. Pinakamalalawak ang mga tubuhan sa isla ng Negros (200,000 ektarya) kasunod ng Mindanao (80,000 ektarya) at Southern Tagalog (20,000 ektarya).
Sa kabila nito, pabagsak ang produksyon ng tubo. Mula 28 milyong metriko tonelada (MT) noong 2016, bumagsak tungong 24.6 milyong MT noong 2020 ang kabuuang bolyum ng tubo na naani at naproseso sa mga asukarera. Sinasabing dahilan sa pagbaba ng produksyon ang malawakang pagpapalit-gamit ng mga tubuhan at pagsasara ng apat sa 27 asukarera sa bansa sa nakalipas na limang taon. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, kumitid nang 5% (22,880 ektarya) ang kabuuang erya ng mga tubuhan. Bumagsak ang kapasidad ng bansa na magproseso ng tubo mula 196,000 MT/araw tungong 173,300 MT/araw sa panahong ito. Sa ilalim ni Duterte, bumulusok nang 19% ang kabuuang bolyum ng asukal na naprodyus ng bansa mula 3.5 milyong MT noong 2016 tungong 2.8 milyong MT noong 2020.
Sinasabing balakid sa pagtatanim ng tubo ang mahal na mga kagamitan sa pagsasaka, abono at herbisidyo, at maliit na sahod na nagtutulak sa mga magsasaka na maghanap ng ibang trabaho. Ramdam din ngayon sa mga tubuhan ang epekto ng pagbabago sa klima na nagdudulot ng mas mapaminsalang delubyo gaya ng biglaang pagbaha na nagwasak sa libu-libong ektaryang mga tubuhan sa Negros Occidental noong Enero.
Noong 2020, nakapagprodyus ang bansa ng 2.1 milyong MT ng pulang asukal at 703,800 MT ng puting asukal. Ayon sa SRA, ang kasalukuyang abereyds na presyo ng pulang asukal sa lokal na pamilihan ay ₱32.42/kilo. Mas mataas ito nang 2% (₱0.70) kumpara sa presyo noong Hunyo 2019. Ang pagtaas ay pangunahing resulta ng pagbagsak ng lokal na produksyon at 13% pagtaas ng demand sa murang klase ng asukal ngayong pandemya.
Mula 2016 hanggang 2019, umaabot sa ₱33.7 bilyon ang kabuuang halaga ng mga produktong asukal na ineksport ng Pilipinas, mahigit kalahati nito ay sa US.
Kumpara dito, mas malaki ang inaangkat na asukal ng Pilipinas. Sa parehong panahon, umabot sa ₱116.7 bilyon ang kabuuang halaga ng mga produktong asukal na inangkat ng bansa, 36% ay mula sa China.
Para itodo ang pag-aangkat, ipinapanukala ngayon ng mga upisyal sa ekonomya ng rehimen na baklasin ang mga taripa (umaabot sa 50%) sa mga produktong asukal at ang 64,050 MT-minimum access volume (MAV) sa pulang asukal. Tinututulan ito ng mga magsasaka at maging mga asendero dahil ito ang pagbaha ng murang asukal ang hihila sa lokal na presyo ng tubo na kalaunan ay papatay sa buong industriya.