Tagumpay ng mga manggagawang bukid sa mga tubuhan sa Negros

,

Iniulat ng Paghimakas, rebolusyonaryong publikasyon sa isla ng Negros, na nagbunga na ngayong buwan ang pakikipagdayalogo ng mga manggagawang bukid sa isang panginoong maylupa noong Setyembre 2020 para itaas ang kanilang sahod. Alinsunod sa kanilang panawagan, itinaas ang arawang sahod ng mga manggagawang bukid mula ₱150-₱170 tungong ₱200.

Maliban dito, itinaas din tungong ₱300 ang sahod sa pag-aararo mula sa ₱250-₱270; ₱900 para sa bawat sampung libo (isang laksa) sa pamatdan mula ₱700-₱800; at ₱350 kada tonelada sa paggagapas-karga mula ₱320-₱330. Mahigit 200 manggagawang bukid mula sa 11 sityo ng apat na baryo ang makikinabang dito.

Ayon sa pag-aaral ng Paghimakas, may kapasidad ang naturang plantasyon na magprodyus ng 230 metriko tonelada (MT) ng asukal kada 20 ektarya ng lupa sa loob ng dalawang anihan na nagkakahalaga sa kabuuan ng ₱5.98 milyon. Bago ang dayalogo, tinatayang 45% nito (₱2.7 milyon) ang malinis na kita na napupunta sa panginoong maylupa, at 30% naman ay napupunta sa asukarera (₱1.8 milyon). Nasa 20% (₱1.2 milyon) na lamang ang natitira para paghatian ng mga manggagawang bukid.

Sa kaugnay na balita, daan-daang kasapi ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa bayan ng Sta. Maria ang naghain ng reklamo sa Sangguniang Panlalawigan ng Isabela noong Mayo para tuligsain ang “mala-aliping pasahod” at hindi makataong trato sa kanila sa mga plantasyon. Anang grupo, mas mababa pa sa ₱200 ang karaniwang natatanggap ng mga manggagawang bukid kada araw.

Ipinanawagan din nila na ibalik ang 287 manggagawang bukid na natanggal sa trabaho mula Agosto 2019 nang ipaloob ng mga asendero sa hilagang Isabela at timog Cagayan ang aabot sa 1,695-ektaryang mga tubuhan sa isang kontrata sa pagpoprodyus ng bioethanol para sa kumpanyang Green Future Innovations-Ecofuel.

Tagumpay ng mga manggagawang bukid sa mga tubuhan sa Negros