Walang bakuna sa hindi kaalyado

,

Ikinagalit ng mga mambabatas sa Mindanao sa isang pagdinig noong Hunyo 14 ang kriminal na kapabayaan at paboritismo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa distribusyon ng mga bakuna laban sa Covid-19.

Ipinukol nila kay Gen. Carlito Galvez, bilang “Hari ng Bakuna,” ang pinakamahigpit na pananagutan sa pagkamatay ng mga pasyente sa isla dahil sa pagsasawalang-bahala niya sa paulit-ulit na hiling ng mga mambabatas. Nagpadala ang rehimen ng mga bakuna sa Mindanao isang linggo bago nito pero ang malaking bilang ay inilagak sa mga prubinsya ng Davao at sa Davao City kung saan meyor ang anak ni Rodrigo Duterte na si Sara. Ayon sa rekord ng Department of Health, tumanggap ang rehiyon ng 210,000 dosis ng bakunang Pfizer-BioNTech. Sa kabilang banda, tig-30,000 dosis lamang ang natanggap ng dalawa pang rehiyon. Kabilang dito ang mga prubinsya ng Region 10 at Cagayan de Oro City na balwarte ng mga pulitikong hindi hayagang sumusuporta sa pananatili ng mga Duterte sa Malacañang.

Mayorya ng mga bakuna ay ibinuhos sa National Capital Region sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga nahawa sa Mindanao at Visayas. Pero kahit dito, nagreklamo sa kupad sa distribusyon si Mayor Isko Moreno ng Manila City, isa pang kumukontra sa pagkandidato ng batang Duterte.

Sa datos noong Hunyo 17, naideliber na sa Pilipinas ang mahigit 14 milyong dosis ng bakuna. Sa kabila nito, 1.7 milyong dosis lamang ang naipamahagi sa Mindanao. Sa 1.7 milyong residente naman ng Manila City, mahigit 354,000 pa lamang ang nabakunahan.

Sa buong bansa, halos pitong milyon pa lamang ang nabakunahan at 1.8 milyon dito ang nakadalawang dosis. Sa mga bansa sa ASEAN, ikatlong pinakamabagal ang Pilipinas sa pagbakuna.

Samantala, ayaw isapubliko ng IATF kung saan napunta ang ₱82.5 bilyong badyet para sa pagbili ng bakuna. Lahat ng bakunang dumating ay donasyon mula sa Covax Facility ng World Health Organization.

Walang bakuna sa hindi kaalyado