Kalatas June 2021 | Ang mga dambuhalang Dam ni Duterte sa Quezon at Rizal, dambuhalang suliranin at pasanin ng mamamayan
May pandemya o wala, tuloy ang pagratsada ni Duterte sa mga proyektong New Centennial Water Source-Kaliwa Dam sa Quezon at Wawa-Violago Dam sa Rizal. Sa ngalan ng pagpapakatuta ni Duterte sa imperyalismong China, minamadali na ngayon ng rehimen ang pagtatayo ng Kaliwa Dam bago matapos ang kanyang termino sa 2022. Sa tuluyang pagtiklop ng rehimeng Duterte sa imperyalismong China sa harap ng mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea, hindi na dapat pagtakhan kung bakit ganun na lamang ang pagmamadali ng rehimen na tapusin ang ipinagmamalaki nitong Kaliwa Dam at iba pang proyekto sa ilalim ng programang Build, Build, Build. Niraratsada ni Duterte na tapusin ang Kaliwa Dam upang habulin ang mga ipinangako nito sa imperyalistang China kapalit ng pambansang patrimonya at soberanya.
Samantala, bilang utang-na-loob nya sa burgesya-kumprador at kroni na si Enrique Razon, minamadali na rin ng rehimen ang pagkukumpleto ng Wawa-Violago Dam na tiyak na magiging sanhi ng paglubog at grabeng pagbaha sa ilang bahagi ng Rizal at kadikit na syudad ng Marikina.
Pagratsada ni Duterte sa Kaliwa Dam, para sa China at hindi para sa mamamayan
Upang iratsada ang pagtatayo ng Kaliwa Dam, isang joint venture ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at China Energy Engineering Corporation (CEEC), gagamitin ang isang tunnel boring machine (TBM) o isang makinang pambutas ng kabundukang dadaanan ng tunnel na pinangalanang ‘Sampaguita’ para hukayin ang 21.7 kilometrong-haba ng tunnel. Ang TBM ay nagmula sa kumpanyang China Railway Construction Heavy Industry, Co., Ltd (CRCHI), at inaasahang darating sa Port of Manila sa Hulyo 2021 na dadalhin sa outlet portal sa Teresa, Rizal. Kung kagyat na maipupwesto, kaya nang umpisahan ang paghuhukay para sa Kaliwa Dam sa darating na Disyembre taong kasalukuyan.
Pabibilisin nga ng TBM ang paghuhukay ngunit higit pa nitong palalakihin ang panganib ng undergound at complex tunneling sa mga mamamayang naninirahan sa lugar at pabibilisin din ang pagkawasak ng kabundukan.
Sa ilalim ng Belt and Road Initiative ng China at Build, Build, Build ni Duterte, ipinagkaloob ng CRCHI ang TBM upang higit na pabilisin ang paggawa ng proyektong Kaliwa Dam. Pinangangambahan ng mga residente ang pagguho ng lupa sa mga daraanan ng nasabing tunnel sa gagawing paghuhukay ng MWSS mula sa kabundukan ng Sierra Madre ng Quezon hanggang sa lalawigan ng Rizal na may lalim na 200 hanggang 500 metro.
Kahit hindi pa nakukuha ang Free Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa mga grupong Dumagat na siyang pangunahing maaapektuhan ng nasabing proyekto, nagpapatuloy ang operasyon ng MWSS para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam. Katuwang ang NCIP, matinding pananakot, pambabraso at pagmamaniobra naman ang ginagawa ng MWSS sa mga komunidad ng mga grupong Dumagat at di katutubo, mapapayag lamang sila sa isang kasunduan para bigyang-daan ang dambuhalang proyekto.
Wawa-Violago, banta sa mga Rizaleño
Tulad ng panganib na idudulot ng Kaliwa Dam, pinangangambahan naman ng mga Rizaleño ang magiging epekto sa kanilang buhay at kabuhayan ng proyektong 500 MW Wawa Pumped-Storage Hydropower Project o mas kilalang Wawa-Violago Dam ng kumpanyang WaWa JVCO Inc., isang joint venture company ng Prime Metroline Infrastructure Holdings Corp. (Prime Infra) na pagmamay-ari ni Enrique Razon at San Lorenzo Ruiz Builders and Developers Corp. na pamamay-ari naman ni Oscar Violago. Ang nasabing proyekto ay inaprubahan ng rehimeng Duterte sa ilalim ng isang 30-year raw water supply offtake agreement.
Itatayo ang power plant ng nasabing proyekto sa Wawa River Basin at Montalban River Sub-Basin na nagmumula ang tubig sa Montalban River patungong Wawa River, at tubig na galing sa Mt. Purro. Isang kilometrong-habang tunnel ang huhukayin na daraanan ng tubig mula sa Montalban at Wawa River na siyang pagkukunan ng kuryente.
Apektado ng nasabing proyekto ang mga residente ng Rizal laluna ang mga nasa Brgy. Calawis at San Jose ng Antipolo City, Brgy. Pintong Bukawe, San Mateo at Brgy. Puray at San Rafael sa Rodriguez kabilang din ang ilang barangay sa Marikina City. Noong pagtatapos ng taong 2020, matatandaang ang mga lugar na ito rin ang naapektuhan ng matinding pagbaha na dulot ng mga sunud-sunod na bagyong nagdaan sa bansa na nagdulot ng pagragasa ng baha mula sa mga kabundukan at operasyon ng mga quarry.
Militarisasyon at red-tagging
Habang hinahapit na ng rehimen ang kagyat na pagsisimula at pagtatapos ng paggawa ng Kaliwa Dam at Wawa-Violago Dam, iniratsada din nito ang kanyang kampanyang red-tagging at pagpatay sa mga indibidwal na mariing tumututol sa nasabing proyekto. Maraming mamamayan ng Quezon at Rizal ang hindi pumayag sa inilabas na memoramdum of agreement ng rehimen na nagpapahintulot sa paggawa ng Kaliwa Dam habang maraming Rizaleño naman ang patuloy na tumututol sa Wawa-Violago Dam.
Tanging pandarahas ang tugon ng rehimeng Duterte sa hinaing ng mamamayang mariing tumututol sa mga proyektong mapaminsala sa kalikasan at kanilang kabuhayan. Matatandaang pinaslang ng mga mersenaryong AFP-PNP ng 80th IBPA at PNP-Rizal ang mga Dumagat na sina Puroy at Randy ‘Pulong’ dela Cruz sa Sitio Mina, Brgy. Sta. Ines, Rodriguez, Rizal noong Marso 7 na kabilang sa krimeng ‘Bloody Sunday’ ng rehimen.
Samantalang noong Abril, maramihang inaresto naman ng 80th IBPA at PNP-Rizal ang 30 Dumagat at Remontado sa Brgy. Puray, Rodriguez. Noong Mayo 6 naman, pinakahuling inaresto ang mga Dumagat na sina Garry “Kuruntoy” Doroteo sa kanyang bahay sa Brgy. Sta. Ines, Tanay, Rizal at si Kagawad Loreto Miranda Bolino ng Brgy. Lumutan, Gen. Nakar, Quezon sa pamamagitan ng mga singkronisadong operasyong pulis at militar. Sinampahan sila ng mga gawa-gawang kasong kriminal at pinalalabas silang may kinalaman sa rebolusyonaryong kilusan.
Bago ang mga nasabing iligal na pag-aresto at pagpatay, hindi na tinantanan ng mga focused military operation at RCSPO ang mga barangay ng Pagsangahan at Lumutan ng General Nakar, Quezon at Brgy. Calawis sa Antipolo City, Brgy. Puray sa bayan ng Rodriquez at Brgy. Sta. Ines sa Tanay, Rizal. Target ng mga inilulunsad na operasyong militar ang mga grupong Dumagat at mamamayan na aktibong kumikilos upang tutulan ang mga dambuhalang proyektong ito.
Pagtutol at paglaban sa mga dambuhalang Dam
Mahigpit na tinututulan ng mamamayan ang Kaliwa Dam Project at Wawa-Violago Dam dahil sa banta ng pagkawasak ng kanilang kabuhayan at tirahan at mapanirang epekto sa kalikasan. Patuloy silang lumalaban para ipahinto ang mga mapaminsalang proyektong ito.
Nananatiling makatwiran ang pagbuklod-buklod at paglaban ng mamamayan upang tutulan ang mga proyektong tanging delubyo ang idudulot sa kanila at kaunlaran para sa iilan lamang. Batid nilang sa huli’y raragasa ang kanilang mga pagkilos at protesta laban sa mga dambuhalang proyektong ito na tulad ng nabubulok na rehimeng Duterte ay tatangayin din ng lakas ng agos ng kanilang pakikibaka.###