Kalatas June 2021 | Antonio Molina ng Palawan 7, kagyat na palayain
Nananawagan ang mga Palaweño at mga kaanak ni Antonio Molina, 66, ng Palawan 7 na kagyat siyang palayain dahil sa kanyang malubhang kundisyong medikal. Ang Palawan 7 ay mga detenidong pulitikal na inaresto ng AFP-PNP sa isang tsekpoynt sa Puerto Princesa City, Palawan noong Oktubre 4, 2019. Sinampahan sila ng gawa- gawang kasong illegal possession of firearms and explosives.
Si Molina o mas kilala bilang Tatay Antonio ay may terminal na kanser sa bituka. Bukod dito, nagdurusa siya sa namamagang lymph nodes at altapresyon. Nakararanas siya ng labis na pananakit sa pag-ihi dahil sa sakit sa bato. Dahil sa di makataong kalagayan sa bilangguan, lumubha ang kanyang kalagayan.
Patuloy na lumalala ang kalagayan ni Tatay Antonio dahil sa labis na kapabayaan sa kanya at pagsasawalambahala ng rehimen sa kanyang mga karapatan bilang isang detenidong pulitikal. Habang nakakulong, wala siyang agarang natamong atensyong medikal at pinagkakaitang ma-tsek-ap ng kanyang doktor. Isa si Tatay Antonio sa pinakabulnerableng mahawahan ng COVID-19 dahil sa kanyang edad at sakit.