Kalatas June 2021 | Editoryal: Biguin ang imbing pakana ni Duterte na palawigin ang kanyang diktadurang paghahari
Gaya ng kanyang iniidolong diktador na si Marcos, hinahangad ni Duterte na magtagal sa estado-poder at maghari lagpas sa kanyang termino. Tigas-mukha siyang nagluluto ng mga pakana upang makapanatili sa kapangyarihan at takasan ang kanyang mga krimen sa bayan. Higit lamang nitong itinutulak ang mamamayang Pilipino na ubos-kayang kumilos para hadlangan ang pananatili sa kapangyarihan at ibagsak ang pasistang diktadura ni Duterte.
Matapos mabigo ang kanyang pakanang charter change at pederalismo, nakatutok na ngayon si Duterte para ipanalo ang eleksyong 2022. Inuulit lamang ni Duterte ang kanyang drama noong eleksyong 2016 sa mga urong-sulong at sinungaling na mga pahayag ngayon na tutol sya sa pagtakbo ng kanyang anak na si Sara bilang presidente at wala na syang interes maghangad ng pambansang pusisyon. Kalokohan ang sinabi ng Malacañang na hindi political dynasty ang itinatayo ng mga Duterte. Hindi rin maitatanggi ang papel ni Duterte sa pagmanipula at pagkontrol sa mga nagaganap sa loob ng partidong PDP-Laban sa pagtutulak ng paksyong Cusi na tumakbong bise presidente si Duterte. Malinaw ding si Duterte ang utak sa inilalakong tambalang Duterte-Duterte o kung sinuman ang kanyang babasbasang eredero para sa eleksyong 2020. Tuluy-tuloy ang mga lihim na pulong at kasunduan ng pamilyang Duterte sa iba pang mga pulitiko at partido para sa kanilang pampulitikang ambisyon. Matapos ito, samu’t saring partido at pulitiko ang nagpahayag ng kanilang suporta kay Sara sa pagtakbo sa pagka-presidente.
Pinapakana ni Duterte na manipulahin ang eleksyong 2022 para manatili sa kapangyarihan. Nabili ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy ang kumpanyang TIM na kasabwat ng Smartmatic, na kinontrata ng Commission on Elections (COMELEC) para sa awtomasyon ng eleksyon at pagbibilang ng mga boto. Ilang buwan bago ang eleksyong 2022, titiyakin ni Duterte na mailuloklok ang bagong chairman at mga komisyuner na magtataguyod ng kanyang interes sa darating na eleksyong 2022.
Mas pinahihigpit ni Duterte ang kontrol sa AFP-PNP bilang kanyang pribado at mersenaryong hukbo upang gamitin sa pandaraya sa eleksyong 2020 at laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika hanggang sa pagpapataw na mismo ng Martial Law sa buong bayan.
Nagpapakana rin ang rehimen ng mga false flag operations kung saan ibibintang sa BHB ang mga pamamaslang kasabay ang paglulunsad ng maramihang pag-aresto at pagpatay sa mga aktibista at progresibo upang supilin ang hayag na kilusang masa at likhain ang kundisyon para maipataw muli ang Martial Law. Nauna na itong nagdeklara ng todo-gera laban sa karaniwang mamamayan sa pamamagitan ng pag-aarmas sa mga vigilante bilang bahagi ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ng estado.
Sa pambansang antas, lumalala ang girian sa pagitan ng mga paksyon ng naghaharing uri na iniresulta ng pakikipagmabutihan ni Duterte sa dalawang among imperyalistang US at China.
Sa likod ng lumalalang krisis pampulitika sa bansa at ang kinakaharap na pagpapalawig ng diktadura ni Duterte, tiyak na makikialam ang imperyalistang US at China sa darating na halalan para sa kanilang sariling interes. Nais nilang masiguro na ang mailuluklok na pinuno ay magsisilbing tuta upang umayon sa mga geo-pulitikal na plano nila sa rehiyong Asya-Pasipiko. Nauna nang sinabi ng China na gusto nitong manatiling presidente si Duterte. Samantala, nakakubabaw pa rin ang imperyalismong US sa Pilipinas at ito pa rin ang imperyalistang may pangunahing kontrol sa ekonomiya, pulitika at militar ng bansa. Nagsasagawa ang pangkating Duterte ng mga maniobra para magpataas ng presyo sa imperyalismong US katulad ng pagpapalawig ng Visiting Forces Agreement upang makahuthot pa ng dagdag pondo, kagamitan at ayudang militar.
Ang pagkakapit-tuko ni Duterte sa Malacañang ay palatandaan ng kanyang desperasyon at takot sa nakaambang pang-uusig sa kanyang mga krimen oras na bumaba siya sa pagkapresidente. Sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nilikha niya ang kultura ng impyunidad na nagdulot ng napakaraming mga paglabag sa karapatang tao at kabi-kabilang pamamaslang sa gera kontra iligal na droga at anti-komunistang kampanya. Hindi nalutas ang problema sa droga bagkus siya pa ang naging pangunahing druglord at pinuno ng sindikato sa droga sa bansa.
Nagpakatuta siya sa China at US para makakuha ng mga pondo, pautang, suporta at bakuna. Ibinenta niya ang pambansang soberanya at isinuko ang West Philippine Sea sa China. Tinalikuran niya ang usapang pangkapayapaan, isinabatas ang Anti-Terror Law at ipinatupad ang JCP-Kapanatagan ayon sa kumpas ng US.
Dinambong ni Duterte ang yaman ng bansa at pinagpasasaan ito ng kanyang mga kaanak, alipores at kroni. Binusog niya sa korapsyon ang AFP-PNP para gawing pribadong hukbo. Pinabayaan niya ang mamamayang Pilipino na magdusa sa gitna ng pandemyang COVID-19. Lalong naghirap ang sambayanan sa malawakang disempleyo at mataas na presyo ng mga bilihin. Nasadlak sa walang kaparis na kahirapan ang Pilipinas at umabot sa P10.9 trilyon ang utang ng bansa.
Malawak na ang disgusto ng bayan sa rehimeng Duterte dahil sa lantad at umaalingasaw na baho nito. Pinasidhi pa ito ng kanyang pagkagahaman sa kapangyarihan sa pakanang maghari lagpas 2022. Ang pagsalubong ng malawakang pagbatikos at pagtutol dito ng mamamayan ay pagpapakita ng labis na pagkasuklam at galit ng sambayanan sa teroristang rehimeng Duterte. Higit na umaalab ang pakikibakang bayan para wakasan ang kahirapan at pandarahas sa ilalim ng diktadurang paghahari.
Malaki ang hamon at tungkulin ng mamamayan para biguin ang imbing pakanang manatili sa kapangyarihan ni Duterte. Kailangang higit na palakasin ang hanay sa pagbubuo ng isang malapad na nagkakaisang prente upang labanan ang iskemang palawigin ang kanyang termino. Dapat na buuin ang malawak na alyansang anti-Duterte upang higit na mahiwalay ang rehimen sa malawak na sambayanang Pilipino at internasyunal na komunidad. Magpursigeng singilin si Duterte para panagutin sa kanyang mga krimen sa bayan.
Isulong ang panunumbalik ng usapang pangkapayapaan sa mga naliliwanagang pwersa ng naghaharing sistema upang mabigyang-daan ang pagkakamit ng tunay, matagalan at makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas sa mga ugat ng armadong tunggalian at pagkamit ng mga tunay na repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal.
Kasabay nito, palakasin ang Bagong Hukbong Bayan at mga rebolusyonaryong base sa kanayunan. Paigtingin ang digmang bayan at biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng teroristang rehimeng Duterte. Maglunsad ng mga taktikal na opensiba at gawaran ng punitibong aksyon ang mga despotikong kaaway sa uri at mga sagad-saring kontra- rebolusyonaryo’t pasista sa loob ng rehimeng Duterte.
Hinog ang kasalukuyang sitwasyon upang sumulong ang pambansa demokratikong rebolusyon tungong tagumpay. Taliwas sa daang tinatahak ng rebolusyonaryong kilusan, walang ibang patutunguhang landas ang rehimeng Duterte at mga naghaharing-uri kundi ang pagbagsak.###