Kalatas June 2021 | Southern Tagalog Pride March, inilunsad sa UPLB
Inilunsad ang Southern Tagalog Pride March sa pangunguna ng Southern Tagalog Pride at Gabriela Southern Tagalog sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB) noong Hunyo 28. Nilahukan ng mahigit sa 300 mga lesbyana, bakla, baysekswal, transgender at iba pang mga may piniling kasarian (LGBTQIA+) at mga taga-suporta nila ang lumahok sa protesta.
Nanawagan ang mga nagpoprotesta ng kapayapaan at pagkakapantay-pantay sa lahat ng kasarian. Ayon sa Southern Tagalog Pride, kabilang ang LGBTQIA+ sa mga pinagkakaitan ng seguridad at pantay na karapatan. Inihalimbawa nila ang kawalang hustisya sa kaso ni Jennifer Laude, isang transgender, na pinaslang ni US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton noong 2014. Sa halip na pagsilbihan ang sentensya sa pagpatay, ipinagkaloob pa ng rehimeng Duterte ang absolute pardon kay Pemberton noong nakaraang taon nang hindi umubra ang pakanang conduct time allowance sa nasabing kriminal. Itinataguyod lamang ni Duterte ang patuloy na kawalang hustisya sa bansa at pagbibigay ng espesyal na pagtrato at pabor sa mga dayuhang kriminal tulad ni Pemberton.
Pinakahuling naiulat na pandarahas sa LGBTQIA+ ay ang pagdukot at pagpatay sa isang transwoman mula sa Bacoor, Cavite noong Enero 2021. Sa Quezon City, dinukot, ginahasa at pinatay ang transman na si Ebeng Mayor noong Mayo 2021.
Nanindigan ang Southern Tagalog Pride na kailangang isabatas ang Sexual Orientation and Gender Identity Expression Equality (SOGIE) Bill na naglalayong ipagtanggol ang lahat ng mamamayan mula sa diskriminasyon, anuman ang kanyang kasarian.
Bukod sa paggalang sa karapatan ng mga may piniling kasarian at paglaban sa diskriminasyon, kinondena sa kilos-protesta ang Anti-Terror Law at militaristang lockdown. Ipinanawagan din nila na palayain lahat ng bilanggong pulitikal, pagkakamit ng hustisya at makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
“Naniniwala kami na ang paglaya ng LGBTQIA+ community ay naka-ugnay sa paglaya ng lahat ng mga sektor sa lipunan. Kaisa kami ng buong bayan sa paglaban sa pasismo ng rehimeng Duterte.” pagtatapos ng Southern Tagalog Pride.###