Kalatas June 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang tindig ng rebolusyonaryong kilusan sa pananakop ng China sa mga isla sa Spratly?

,

Kinukundena at tinututulan ng rebolusyonaryong kilusan ang pananakop ng China sa mga isla sa Spratly na saklaw ng ipinaglalabang teritoryo ng Pilipinas. Simula’t sapul, tutol ang PKP-BHB-NDFP sa dayuhang pangangamkam sa rekurso at patrimonyang yaman ng bansa tulad ng ginagawa ng China sa West Philippine Sea (WPS). Mariin ding nilalabanan ng mamamayan ang iba pang maniobra ng China na manghimasok sa ekonomya’t pulitika ng Pilipinas.

Kasama ng sambayanan ang NDFP sa paggigiit sa soberanya sa teritoryo at karapatan ng Pilipinas sa exclusive economic zone (EEZ) sang-ayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS). Malakas na nananawagan ang mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino ng pagpapalayas sa mangangamkam na China mula sa mga isla sa Spratly at EEZ ng Pilipinas.

Umigting ang pakikibakang bayan kaugnay ng WPS sa panahon ng rehimeng US-Aquino hanggang sa kasalukuyang rehimen kung kailan umarangkada ang okupasyon at pagtatayo ng mga artipisyal na isla ng China sa Spratly. Mula 2013 ay nagsasagawa na ng dredging at reklamasyon ang China sa kulumpon ng mga isla sa Spratly.

.

Sa mga litrato mula sa himpapawid, kitang-kita ang pagbabago sa mga geologic features sa Spratly tulad ng Zamora (Subi) Reef, Panganiban (Mischief) Reef, Burgos (Gaven) Reef, at Kagitingan (Fiery Cross) Reef. Tinayuan ito ng mga airstrip, daungan, istasyon ng radar at iba pa. Malinaw sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) ng UNCLOS noong 2016 na labag sa kumbensyon ang pagmimilitarisa ng China sa Kagitingan Reef na sinimulan nitong okupahin noong 1987. Tinukoy rin na Pilipinas ang may karapatan sa Panganiban Reef na tinayuan na ng istruktura ng China.

Ang mga artipisyal na isla ay basehan ng mga pwersang Chinese sa South China Sea at pruweba ng pananakop nito sa Spratly. Pangmatagalan ang plano ng China rito. Kayang lapagan ng 24 eroplanong pandigma at apat na malalaking eroplano ang mga paliparan habang taglay ng mga baseng nabal ang pinaka-abanteng teknolohiya sa komunikasyon, lunsaran ng misayl, at iba pa.

Kakambal ng pagtatayo ng mga pasilidad militar ang pagtambay ng daan-daang sasakyan ng Chinese Coast Guard (CCG), People’s Liberation Army (PLA)-Navy, milisyang Chinese at malalaking barkong pangisda sa saklaw ng Spratlys at buong WPS. Nitong Hunyo, inilantad ng geospatial intelligence firm mula sa US na Simularity ang presensya ng 238 barko sa EEZ ng Pilipinas. Halos lahat o 236 barko ang nasa mga isla ng Spratly. May 11 barko malapit sa Pag-asa Island na sakop ng Kalayaan, Palawan.

Mahigpit na binatikos sa loob at labas ng Pilipinas ang pagdumog ng mga barkong Chinese sa WPS mula Marso 2021. Higit 200 barkong Chinese ang sinitang nakahimpil sa Julian Felipe Reef (JFR) na 175 nautical miles lamang ang layo mula sa Bataraza, Palawan. Nitong Abril, inulat ang presensya ng 261 barkong Chinese sa Burgos Reef, Pag-asa Island, Likas (West York) Island, Kota (Loaita) Island at Ayungin (Second Thomas) Shoal at iba pang isla sa WPS.

Lubhang apektado ng sitwasyon ang mga mangingisdang Pilipino. Paulit-ulit na itinataboy ng mga marinong Chinese ang mga mamamalakaya habang walang pakundangang sinusuyod ng malalaking barkong Chinese ang mga bahura sa WPS. Lumala ito bunsod ng verbal agreement ni Duterte kay Xi Jinping na malayang mangisda ang mga Chinese sa WPS. Ang 270 barkong namataan sa Zamora at Panganiban Reef ay inaasahang may pinagkumbinang huli na 3,240 metriko tonelada (MT) kada araw o 1.2 milyon MT kada taon.

Pinipinsala din ng mga trawler at komersyal na barko ang mga bahura na pangitlugan ng mga isda. Pananagutan ng China ang pagkasira ng higit 124 kilometro kwadrado ng bahura sa WPS.

Laway na laway ang China sa Spratly at buong WPS dahil sa yaman at estratehiko nitong posisyon. Tinatayang may $26 trilyong halaga ang natural gas at langis na matatagpuan sa EEZ ng Pilipinas—na malaking bahagi ay nasa ilalim ng mga isla ng Spratly. Samantala, napakayaman ng WPS na pinagmumulan ng 10% ng pandaigdigang huli ng isda.

Susi rin ang pwesto ng Spratly dahil lagusan ito ng 30% ng mga barkong pang-kalakal sa daigdig o katumbas ng $3 trilyong kalakal taun-taon. Dumadaan dito ang langis mula Gitnang Silangan na papunta sa mga industriyalisadong bansa na Japan, South Korea at Taiwan.

Kailangan din ng China ang mga isla sa Spratly para sa paghamon nito sa US. Napaliligiran ang China ng mga base militar ng US sa Asya-Pasipiko kaya’t naghahabol ang una na kontrolin ang South China Sea upang maging base at lunsaran nito sakaling pumutok ang digmaan.

Humantong na ang iligal na okupasyon ng China sa WPS sa karahasan laban sa mga Pilipino. Noong Hunyo 9, 2019, pinataob ng isang barkong Chinese ang barkong FB GemVer sa Recto Bank. Muntik nang mamatay sa laot ang 22 tripulante mula sa San Jose, Occidental Mindoro na sakay ng FB GemVer. Hinabol din ng mga armadong barkong Chinese ang isang tim ng midya na nais mag-ulat sa kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino nitong Abril 8, 2021.

Lahat ng paglalapastangan ng China sa soberanong karapatan ng mga Pilipino ay mahigpit na nilalabanan ng rebolusyonaryong kilusan. Itinuturing ng PKP na “imperyalistang agresyon ang pagtatayo ng mga istruktura at militarisasyon ng mga artipisyal na isla” ng China sa WPS. Nanawagan din ang PKP na itulak ang paglalansag sa mga pasilidad militar at pag-atras ng mga pwersang Chinese sa WPS.

Pinakatampok na aksyon ng PKP ang atas nito sa Bagong Hukbong Bayan noong 2020 na maglunsad ng punitibong aksyon laban sa mga kumpanyang Chinese na sangkot sa iligal na konstruksyon at paninira sa karagatan ng WPS. Umapela rin ang PKP sa internasyunal na komunidad na pag-ibayuhin ang pang-ekonomiko at diplomatikong presyur sa China sa pamamagitan ng pag-blacklist sa mga nasabing kumpanya.

Naniniwala ang PKP-NDFP-BHB na estratehiko ang halaga ng teritoryo sa Spratly sa pangmatagalang pag-unlad ng Pilipinas. Sa ganitong diwa pursigidong kumikilos ang mga pambansa demokratikong pwersa upang pagkaisahin ang mamamayan na labanan ang pangangamkam ng China sa Spratly. Sinusuportahan din ng NDFP ang paggigiit at pagpapatupad sa arbitral award ng PCA. Maaasahan ng bayan ang pambansa demokratikong kilusan sa paniningil sa China para sa pamiminsala nito sa karagatan at pagkakait sa kabuhayan ng mga mangingisda.###

Kalatas June 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Ano ang tindig ng rebolusyonaryong kilusan sa pananakop ng China sa mga isla sa Spratly?