Kalatas June 2021 | Mag-asawa at organisador ng mga magsasaka, dinakip sa San Pablo, Laguna
Dinakip ng mga pulis noong Hunyo 25 ang mag-asawang Dana Marie Marcellana at Christian Relao sa Brgy. San Diego, San Pablo, Laguna madaling araw ng Hunyo 25. Nireyd ng mga pulis ang kanilang tahanan at inaresto habang iniwan ang kanilang isang taong anak na umiiyak. Sinampahan sila ng gawa-gawang kasong rebelyon at illegal possession of firearms.
Si Dana Marie Marcellana ay anak ni Eden Marcellana, isang human rights worker na pinaslang ng mga mersenaryong militar sa pangunguna ng berdugong si Gen. Jovito Palparan. Dinukot at pinaslang sina Ka Eden at si Eddie Gumanoy noong Abril 21, 2003 sa gitna ng fact finding mission ng Karapatan-Southern Tagalog sa mga karumal-dumal na krimen ng AFP sa panahon ng Oplan Habol Tamaraw sa Mindoro. Bata pa lamang noon si Dana.
Bunsod ng karahasan, namulat si Dana at piniling magsilbi sa mamamayan sa pamamagitan ng pagiging organisador ng mga magsasaka. Naging kasapi si Dana ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) habang naging miyembro si Christian ng Pinagkaisang Lakas ng mga Magsasaka sa Quezon (PIGLAS- Quezon).
Ang pagdakip sa mag-asawa at pag-atake sa iba pang mga aktibista sa ilalim ng rehimeng Duterte ay bahagi ng imbing pakana ng estado na patahimikin ang mga progresibo, oposisyon at kritiko gamit ang kontra-mamamayan at anti- demokratikong Anti-Terror Law.