Kalatas June 2021 | Tuluy-tuloy na tutulan ang pagtatayo ng Macalelon Dam
Patuloy na umaagos sa puso ng mamamayan ng Macalelon ang masidhing pagtutol sa dalawang proyektong dam ng reaksyunaryong gubyerno sa Brgy. Vista Hermosa at San Isidro — ang multi-purpose dam at ang kukumpunihing irrigation dam ng National Irrigation Administration (NIA). Makalipas ang isang dekada, hindi pa rin naglulubay ang kagustuhan ng mga taga-Macalelon na ipagtanggol ang kanilang sariling lupa, mga puno ng niyog, saging at iba pang mga pananim na pinangangambahang maaapektuhan ng itatayong mga dam.
Bakit tinututulan ng mamamayan ang Macalelon Dam
Winasak ng pagguho ng irrigation dam sa Brgy. Vista Hermosa ang kabuhayan at pamumuhay ng mamamayan noong 2010. Daan-daang puno ng niyog at saging ang tinangay ng baha at dalawang bahay ang nasira dulot nito. Ang malupit pa, ni hindi nagbayad ng danyos-perwisyo ang NIA, kontraktor, at/o lokal na reaksyunaryong gubyerno.
Kalakaran na ng NIA na hindi magbayad sa mga perwisyong ginagawa nito sa mamamayan. Sa panahong itinatayo pa lang ang dam at mga kanal nito noong 2009, hindi sila nagbayad ng disturbance compensation sa mga pinutol na libu-libong puno ng niyog at saging. Gayundin, hindi binayaran ng NIA ang right of way. Paulit-ulit na nangako ang NIA na may kabayaran ang mga napinsalang kabuhayan, at pabalik- balik din naman ang mga apektadong magsasaka sa paniningil sa NIA.
May utang na sa mamamayan ang ahensya, pero balak pa nitong muling kumpunihin ang nasirang irrigation dam, at magtayo ng isa pang multi-purpose dam.
Kawalan ng sariling lupa at pananim
Hindi para sa tunay na kaunlaran at kaalwanan ng buhay ng mga magsasaka at iba pang mamamayan ang proyektong dam, kundi para sa interes at pagpapayaman ng mga kapitalista, pulitiko at kontraktor. Kailanman ay hindi isinaalang-alang ng mga nagtataguyod ng pagtatayo ng dam ang magiging epekto nito sa mga residente ng Macalelon.
Kapag natuloy ang multi-purpose dam ng NIA sa Vista Hermosa, palulubugin nito sa kagyat ang mahigit sa 1,000 ektarya ng produktibong lupaing kasalukuyang nililinang ng mga magsasaka sa ilayang bahagi ng Vista Hermosan at Sta. Elena sa bayan ng Lopez. Aabot hanggang 250,000 puno ng niyog ang maaaring masira kung puro niyog ang tanim sa bawat ektarya.
Bukod dito, tinatayang maaaring palubugin ang anim na baryo ng Macalelon tulad ng Vista Hermosa, San Isidro, Mambog, Olongtao, Taguin, at mismong kabayanan ng Macalelon sa panahong magpaawas ng tubig ang dam dahil sa malakas na pag-ulan o may bagyo. Maaaring umabot ang pagbaha hanggang sa mga baryo ng Pitogo at General Luna depende sa dami ng tubig na paaawasin.
Iligal at kawalan ng pahintulot sa mamamayan
Walang ipinapakitang Environmental Compliance Certificate (ECC) at Environmental Impact Assessment Study (EIAS) ang NIA at lokal na gubyerno na nagtataguyod ng proyektong ito. Ang ECC at EIAS ay mga dokumentong hinihingi ng DENR para sa mga proyekto at programang nakapipinsala sa kalikasan (environmentally hazardous projects and programs). Patunay ang ECC at EIAS na may plano ang mga nagpapatupad ng proyekto na paliitin ang pinsala hanggang sa pawiin ang masamang epekto nito sa mamamayan.
Wala ring social acceptability certificate na magpapatunay na katanggap-tanggap sa mamamayan ang mga proyekto. Samakatuwid, tumitindig ang mga residente ng Macalelon na hindi katanggap-tanggap para sa kanila ang pagtatayo ng multi-purpose dam at pagkukumpuni sa gumuhong irrigation dam.
Pakikibaka ang tugon ng mamamayan
Kagyat na nagpamalas ng masidhing pagtutol ang mga residente ng Macalelon dahil sa masamang epekto ng mga dam sa kanilang kabuhayan at kaligtasan. Humugos ang mga kilos-protesta at nagpepetisyon ang mamamayan upang mahinto ang pagtatayo ng dam. Dahil sa pagkakaisa ng mamamayan na tutulan ang proyektong ito, halos isang dekadang natigil ang pagtatayo ng mga mapaminsalang dam.
Gamit ang kanilang kapangyarihan at salapi, sinagasaan nila ang mga ligal na prosesong dapat daanan ng mga ganitong tipo ng proyekto. Walang sapat na demokratikong konsultasyon sa mamamayan, laluna sa mga maaapektuhang pamayanan.
Sinamantala ng NIA at lokal na gubyerno ang kahirapang dinaranas ng mga magsasaka para bilhin ang kanilang lupa at mga pananim sa panahong bumulusok ang presyo ng kopra mula noong 2019 kasabay ng matinding tagtuyot sa buong Quezon. Nililinlang nila ang mamamayan sa pagwawasiwas ng “mga benepisyo” na makukuha rito at sinusuhulan sila gamit ang mga panandaliang trabaho na makukuha sa konstruksyon ng dam.
Ginagamit ng lokal na naghaharing-uri ang mga pwersang militar at CAFGU upang magsilbing gwardya sa konstruksyon nito. Noong Pebrero 2010, itinayo ang detatsment ng 85th IBPA sa Sityo Paradahan ng Brgy. Vista Hermosa para bantayan ang itatayong Dam. Makalipas ang limang taon, inalis ang detatsment dahil ito ay dadaanan ng irrigation. Mula 2015, sinasaklaw ang Vista Hermosa ng mga operasyong militar ng mga sundalo mula sa kampo nito sa Brgy. San Vicente, Macalelon para bantayan ang itinatayong Dam. Ipinakat naman ang 59th IBPA at itinayo ang detatsment nito sa Sityo Sentro ng Vista Hermosa noong huling kwarto ng 2019 hanggang Marso 2020. Napalayas ang naturang kampo matapos magpetisyon ang taumbaryo na sinuportahan ng Sangguniang Barangay. Kahit wala na ang kampo, isa pa rin ang Vista Hermosa sa pinakamilitarisadong komunidad sa Macalelon. Halos araw-araw naglulunsad ng operasyong militar sa barangay sa anyo ng rekurida, at kamakailan ay laging umiikot ang trak ng sundalo na nagkakalat ng polyeto at pahayag ng mga itim na propaganda laban sa rebolusyunaryong kilusan.
Sa panunumbalik ng proyekto sa ilalim ng rehimeng Duterte, higit na kailangang tumindig ang mamamayan upang ipagtanggol ang kanilang lupa at kabuhayang deka-dekada na nilang naipundar. Hangga’t hindi pa natatapos ang pagtatayo ng mga dam ay hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga taga-Macalelon. Dapat na muling ibalik sa puso at diwa ng mga Quezonin ang nagngangalit na alon ng pagkakaisa at pakikibakang masa upang mariing tutulan ang proyektong ito. Mayaman ang mga aral na mahahalaw sa kasaysayan ng kanilang sama-samang pagkilos upang pigilan ang pagtatayo ng dam sa nakalipas na sampung taon.###