DDoS attack ng AFP, DOST sa alternatibong midya

,

Nilantad ng Qurium Media, organisasyon sa cybersecurity na nakabase sa Sweden, sa isang ulat noong Hunyo 22 na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of Science and Technology (DOST) ay nasa likod ng mga distributed denial-of-service (DDoS) attack sa mga grupong Bulatlat, Altermidya at Karapatan. Nagsimula ang mga atake noong kalagitnaan ng Mayo at rumurok noong kalagitnaan ng Hunyo at nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa DDoS, dinudumog ng ilang milyong pumapasok sa website para bumagal ito.

Kasabay din nito ang mga DDoS attack sa website ng Philippine Revolution Web Central (PRWC sa http://www.cpp.ph) na nagdulot ng panaka-nakang pagkawala nito. Ginamit naman ng AFP ang mga pekeng akawnt sa Twitter para itulak ang kumpanya na ipasara pansamantala ang akawnt ng PKP (@prwc_info) at tuluyang hadlangan ang upisyal nito sa impormasyon (@marco_cpp).

Ayon sa Qurium, ang mga IP address na ginamit sa mga pag-atake ay direktang nakaugnay sa upisina ng militar sa Taguig City, at sa proyektong Philippine Research, and Government Information Network ng DOST. Pinaiimbestigahan ngayon sa Kongreso ang insidente.

Samantala, pinasok din ng di-awtorisadong mga elemento ang membership application o app ng 1Sambayan noong ikalawang linggo ng Hunyo. Paniniwala ng grupo na kagagawan ito ng mga karibal nito sa pulitika.

DDoS attack ng AFP, DOST sa alternatibong midya