Krisis at ribalan sa industriya ng semiconductor

,

Ang industriya ng semiconductor ang isa sa nasa sentro ngayon ng tumitinding imperyalistang tunggalian sa pagitan ng mga higanteng kapitalistang bansang US at China. Ang retorika ng “malayang kalakalan” ay naisantabi sa harap ng tuwirang panghihimasok ng mga imperyalistang estado sa paghahabol na makontrol ang produksyon at distribusyon sa susing produktong panteknolohiyang ito.

Ang tunggaliang ito ay bahagi ng patuloy na umiigting na kompetisyon sa pagitan ng mga higanteng monopolyong kapitalista. Kinatatampukan ito hindi lamang ng karera sa teknolohiya sa produksyon, kundi higit pa, ng paggamit ng kapangyarihan sa pulitika at lakas militar para gipitin ang mga katunggali. Sinasalamin nito ang masidhing krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista na kinatatampukan ng anarkiya at labis na produksyon, paglamon ng mga higante sa mas maliliit na kapitalista at papasidhing pagsasamantala sa mga manggagawa.

Ang industriya ng semiconductor

Ang mga semiconductor ay isa sa pinakasusing pyesa sa mga produktong elektroniko. Tinatawag din itong IC (integrated circuit), electronic chip o microchip. Ang kakayahang kontrolin ang daloy ng kuryente sa napakaliliit na circuitry (alambre o wire) ay nagagamit para kontrolin ang (o magsilbing “utak” sa) mga kompyuter, smartphone, hard drive, telebisyon, kamera at maging mga “matatalinong” kagamitan sa bahay, modernong kotse, mga drone, mga kagamitang militar at marami pang iba.

May tatlong tipo ng kumpanya sa industriya ng semiconductor: may mga nakatuon sa pagdidisenyo ng circuitry ng chip (tulad ng Qualcomm at Nvidia); mayroong nakapokus sa aktwal na pagmamanupaktura o produksyon (tulad ng Taiwan Semiconductor Company o TSMC at Semiconductor Manufacturing International Corporation o SMIC); at mayroong nagdidisenyo at nagmamanupaktura (tulad ng Intel at Samsung).

Noong 2020, nangunguna sa bentahan ng semiconductor ang Samsung Electronics (South Korea), Intel (US) at TSMC (Taiwan). Walo sa nangungunang kumpanyang ito ay mula sa United States. Ang pinakamalaking kumpanyang Chinese ay nasa ika-19 na pwesto.

Pero ang pinakamalalaking kumpanyang aktwal na nagmamanupaktura ng semiconductor ay nasa Asia. Nasa Taiwan ang 63% ng kabuuang suplay ng semiconductor, sa pangunguna ng TSMC na nagsusuplay sa 51.5% ng semiconductor sa buong mundo. Nagmumula naman sa South Korea ang 18% ng suplay at mula sa China ang 5-6%.

Binabagabag ngayon ang iba’t ibang larangan ng kapitalistang produksyon ng kakulangan sa suplay ng semiconductor. Nagsimula ang kakulangang ito sa huling bahagi ng 2020 dahil sa biglang paglaki ng benta ng mga kompyuter at iba pang kagamitang elektroniko kaakibat ng mga pagbabago sa estilo ng buhay at paghahanapbuhay bunga ng pandemya. Dulot din ito nang muling pagsikad ng produksyon ng mga sasakyan na walang paunang order ng suplay matapos ilang buwang nagsara matapos tumumal ang bentahan sa harap ng pandemya. Nagkaroon din ng kakulangan sa suplay ng semiconductor dahil sa pinagbawalan ng US ang SMIC, ang pinakamalaking prodyuser ng microchip sa China, na magbenta ng semiconductor sa mga kumpanyang Amerikano.

Isa sa pinakanaapektuhan ng kakulangan sa suplay ng semiconductor ay ang produksyon ng mga sasakyan. Tinatayang aabot sa 2.5 milyong kotse ang hindi namanupaktura sa unang hati ng 2021 dahil sa problema sa suplay. Naapektuhan din ang produksyon ng bagong mga kagamitang elektroniko.

(Ilalabas sa susunod na isyu ang ikalawang bahagi.)

Krisis at ribalan sa industriya ng semiconductor