Magsasaka pinaslang, 22 pamilya nagbakwit

,

Nitong nagdaang mga linggo, tig-isang kaso ng pagpaslang at panganganyon ang naiulat sa Negros Occidental, habang 22 pamilya ang nagbakwit sa Surigao del Sur. Limang sibilyan naman ang inaresto sa Bohol, Laguna at Agusan del Sur.

Pagpaslang. Pinatay ng mga sundalo ng 3rd ID noong Hunyo 9 si Erming Pacheco, isang Tumandok, sa Sityo Dala-upon, Carabalan, Himamaylan City. Inakusahan siyang sangkot sa sagupaan sa pagitan ng militar at mga Pulang mandirigma malapit sa lugar.

Panganganyon. Sa parehong araw, kinanyon ng 3rd ID ang mabundok na bahagi ng Himamaylan City at Binalbagan mula alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon. Nagresulta ang panganganyon sa labis na takot at pagkawasak sa kabuhayan ng mga residente.

Pagbabakwit. Sa Surigao del Sur, napilitang magbakwit noong Hunyo 23 ang 22 pamilya (100 indibidwal) mula sa Sityo Panukmoan at Sityo Manluy-a, Barangay Diatagon, Lianga. Ang mga bakwit ay kababaryo ng tatlong sibilyan na minasaker ng ng 3rd Special Forces Battatlion noong Hunyo 15. Binantaan silang papatayin kung magsalita ukol sa masaker.

Iligal na pag-aresto. Sabay na dinakip ng 47th IB noong Hunyo 25 sina Carmilo Tabada, koordineytor ng Central Visayas Farmers Development Center sa Trinidad, Bohol at si Rev. Nathaniel Vallente pastor ng United Churches of Christ in the Philippines, sa San Jose, Mabini, Bohol. Pareho silang tinaniman ng mga bala at baril at sinampahan ng gawa-gawang kaso. Bago pa nito, biktima sila ng red-tagging ng rehimen.

Inaresto ng mga pulis noong Hunyo 25 sina Dana Marie Marcellana at Christian Relao sa San Diego, San Pablo, Laguna. Sinampahan ang dalawa ng gawa-gawang kasong rebelyon at illegal possession of firearms.

Sa Agusan del Sur, dinakip ng 8th Special Forces Company ang isang 12-taong gulang na bata sa Sityo Marang, Barangay Mabuhay, Prosperidad noong Hunyo 4. Bago nito, walang patumanggang pinaputukan ng mga sundalo ang mga nag-aani ng mais sa sakahan sa naturang sityo kung saan dalawa ang nasugatan. Kabilang sa mga nag-aani ang 12 bata.

Pananakot. Iligal na hinalughog ng mga sundalo at pulis ang pitong bahay ng mga kasapi ng Trinidad-Talibon Integrated Farmers Association sa Trinidad, Bohol noong Hunyo 27 at Hunyo 28.

Magsasaka pinaslang, 22 pamilya nagbakwit