Mga sasakyan-panghimpapawid ng AFP: Lumilipad na mga kabaong?
Mistulang lumilipad na mga kabaong ang mga helikopter at eroplano ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Bumagsak noong Hulyo 4 ang isang C-130 Hercules transort plane ng militar sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu, na nagtamo ng pinakamalalang kaswalti sa nakaraang tatlong dekada.
Ayon sa pinakahuling ulat, umabot na sa 52 ang kumpirmadong namatay kabilang ang 49 na sundalo at tatlong residente ng Sityo Amman ng naturang barangay. Umaabot sa 53 ang sugatan at ginagamot ngayon, kung saan 49 sundalo at apat ang sibilyan.
Ang segunda-manong eroplanong ito ay binili ng rehimen noon lamang Enero mula sa US. Pinaglumaan na ang karamihan sa mga kagamitang pandigma ng AFP, kabilang ang mga barko at eroplanong ginamit pa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa gerang agresyon ng US sa Vietnam mula dekada 1960 hanggang 1970.
Naganap ang insidente ilang araw matapos ipinatigil ni Defense Secretary Delfin Lorenzana noong Hunyo 24 ang pagpalipad naman ng mga Black Hawk helicopter pagkatapos na bumagsak ang isa nito sa isang misyong pagsasanay sa Capas, Tarlac.
Bumagsak ang combat utility helicopter noong Hunyo 23 ng gabi pagkatapos mag-take off ito mula sa dating base militar. Kinabukasan, natagpuan ng mga pangkat ng search and rescue ang labi ng helikopter sa may Crow Valley, Tarlac. Patay lahat ang anim na sakay nito.
Ang bumagsak na S-70i Black Hawk ay isa sa 16 na binili ng Pilipinas sa Poland noong 2019. Ang anim nito, kabilang ang bumagsak, ay dumating sa bansa noong Nobyembre 2020. Dumating ang limang helikopter noong Hunyo at ang huling bats ay darating sa katapusan nitong taon.
Bahagi ang biniling 16 na Black Hawk sa $241-milyong kontrata (o ₱11.8 bilyon sa palitang $1=₱48.85) sa pagitan ng mga gubyerno ng Pilipinas at ng Poland na nilagdaan noong 2019. Gawa ang mga ito ng PZL Mielec ng Poland, subsidyaryo ng kumpanyang US na Lockheed Martin. (Napilitang bumili sa Poland ang Pilipinas dahil tinanggihan ito ng gubyerno ng Canada bunsod ng malalang rekord sa paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Duterte.)
Sa kabuuan, may 18 patay at apat na sugatang mga piloto at sundalo sa sunud-sunod na pagbagsak ng helikopter simula noong Hulyo 2020 hanggang Hunyo 23 nitong taon.
Noong Hulyo 2020, apat na mga piloto at sundalo ang napatay at isa pa ang nasugatan pagkatapos bumagsak ang isang Huey helicopter habang lumilipad sa isang pagsasanay sa gabing operasyon sa hilagang Luzon.
Pagpasok ng taong 2021, bumagsak naman noong Enero ang isang UH-1H Huey helicopter ng 205th Tactical Helicopter Wing sa Bulonay, Impasug-ong, Bukidnon. Patay ang pitong sakay nito. Sumusuporta noon ang helikopter sa operasyong kombat ng 8th IB laban sa Bagong Hukbong Bayan.
Noong Abril, namatay ang isang piloto ng Philippine Air Force habang nasugatan ang tatlong iba pa pagkatapos bumagsak ang sinasakyang MG520 helicopter gunship ng 15th Strike Wing sa bayan ng Jetafe, Bohol.