Pilipinas, muling inilagay sa listahan ng mga bansang laganap ang money laundering

,

Muling inilagay ng Financial Action Task Force (FATF) noong Hunyo 24 ang Pilipinas sa tinatawag nitong “grey list” o listahan ng mga bansang may mataas na insidente ng money laundering. Ibig sabihin, ipapailalim ng FATF sa mas mahigpit na pagmomonitor ang mga bangko at pinansyal na mga transaksyon ng bansa.

Ang “money laundering” ay ang paglilinis ng maruming perang nalikom mula sa mga iligal na aktibidad sa pamamagitan ng paglilipat-lipat nito sa mga bangko o paglalagak nito sa mga lehitimong negosyo. Ang FATF ay isang internasyunal na organisasyong kontra-money laundering na itinayo ng G7. Unang nalagay sa black list ng FATF ang Pilipinas noong 2000 at sa grey list nito noong 2012.

Ginawa ng FATF ang paghihigpit sa kabila ng mga amyendang ginawa ni Rodrigo Duterte sa Anti-Money Laundering Act noong Pebrero at pagpasa ng Anti-Terror Law noong Hunyo 2020 na kunwa’y nakatuon sa pagsugpo sa “pagpipinansya sa terorismo.” Di tinumbok ng parehong batas ang mayor na mga krimeng pinagmumulan ng maruming pera—ang bentahan ng iligal na droga at korapsyon.

Noong 2019, sinuri ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang 161,650 suspicious transaction report (ulat ng kaduda-dudang transaksyon o STR) mula Enero 2013 hanggang Disyembre 2017 na nagkakahalaga ng ₱17.9 trilyon. Natuklasan nitong 12,508 sa mga STR na may halagang ₱10 trilyon ay mula sa pagbebenta ng iligal na droga at kaugnay na mga krimen. Kalahati ng halaga (₱5 trilyon) ay inulat sa unang taon ng “gera kontra-droga” ng rehimeng Duterte. Sa pagitan ng 2015 at 2016, tumaas nang halos 200% ang halaga ng mga transaksyong may kaugnayan sa iligal na droga. Bagamat bumaba sa 2017, nananatiling mataas ang bilang ng mga transaksyon kumpara sa 2014. Ang STR ay mga ulat na isinusumite sa AMLC kaugnay sa mga transaksyong pinagdududahang naglilinis ng maruming pera.

Halos lahat ng mga transaksyong sinuri ay dumaan sa lokal na mga bangko. May bahagi ng nalinis na pera (29%) na lumabas tungong US, Costa Rica, Malaysia at Nigeria pero malaking bahagi nito ay umiikot lamang sa loob ng bansa.

Sa isang mas masaklaw na pag-aaral na inilabas ng AMLC noong 2020, tumaas ang bilang ng mga kaduda-dudang transaksyon nang halos 11 beses mula 2013 hanggang 2020. Sa pagitan lamang ng 2019 at 2020, tinayang tumaas ito nang 68% o mula 623,000 tungong 1.01 milyon.

Mula 2012 hanggang sa kasalukuyan, itinuturing ng mga internasyunal na ahensyang nagmomonitor sa internasyunal na bentahan ng iligal na droga na “seryosong usapin” ang money laundering sa Pilipinas. Sa 2021 International Narcotics Strategy Report ng US na inilabas noong Marso, sinabi nitong ginagamit ng mga Chinese na sindikato ang Pilipinas bilang rehiyunal na lagakan at daluyan ng iligal na droga at maruming pera mula rito. Ang mga sindikatong ito ang nagsusuplay ng papalaking bolyum ng shabu para sa lokal na bentahan. Sa ulat ng AMLC, nasa 54% ng mga STR na naisumite mula Enero 1 hanggang Setyembre 2020 ay kaugnay sa bentahan ng iligal na droga.

Liban sa internasyunal na operasyon ng mga sindikato ng droga, mataas din ang antas ng korapsyon ng mga upisyal ng gubyerno at laganap ang human trafficking sa Pilipinas—mga krimen na pinagmumulan ng maruming pera. Napadudulas ang paglabas-masok ng maruming pera na isinasabay sa malaking bolyum ng remitans ng mga migranteng Pilipino.  Liban sa lokal na mga bangko, nililinis ang maruming pera sa mga pribadong negosyo, partikular sa mga kasosyong kasino. (Isa sa may pinakamalaking pasugalan sa bansa ang mega-kroni ni Duterte na si Enrique Razon. May kontrata naman ang isa pang kroni ni Duterte na si Dennis Uy na magtayo ng dambuhalang kasino sa Cebu.)

Sa hiwalay na ulat ng Securities Exchange Commission, tinukoy ang pandarambong at korapsyon bilang mayor na pinagmumulan ng maruming pera na pumapasok sa sektor ng pinansya mula 2017 hanggang 2019. Mula sa lokal na korap na mga pulitiko ang bulto ng maruming pera, pero mayroon ding ilan na pinagdududahang mula sa China. Ayon pa sa Securities and Exchange Commission, “lubos na mababa o wala” itong namomonitor na pondong “sumusuporta sa terorismo. “

Pilipinas, muling inilagay sa listahan ng mga bansang laganap ang money laundering