Banta sa Liguasan Marsh

,

Tampok sa balita noong nakaraang linggo ang planong muling simulan ang eksplorasyon at pagmimina sa tinaguriang Block 10 ng Cotabato Basin sa Liguasan Marsh at tinaguriang Basin Block 6 sa Sulu Sea. Ito ay matapos pahintulutan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na isagawa ito ng kumpanyang ESMaulana Global Ventures Company Inc.

Layunin ng kumpanya na hukayin ang kabuuang 1.684 milyong ektarya ng Liguasan at Sulu Sea para minahin ang langis at natural gas sa lugar. Ipinagmalaki ng kumpanya na nagbayad na umano ito ng ₱2 milyon sa Department of Energy para makuha ang kontrata at simulan ang proyekto. Kasosyo ng ESMalauna ang Petrolife, Philippine National Oil Company at lokal na malalaking panginoong maylupa.

Nagbabala ang Partido Komunista ng Pilipinas sa hakbang na ito. Anito, dapat managot ang BARMM at rehimeng Duterte sa tila pagpaprayoritisa sa pagbubuyangyang sa Liguasan sa lokal at dayuhang kumpanya sa halip na protektahan ang lugar at ang mga naninirahan dito.

Malaon nang tinututulan ng mga residente at tagapagtaguyod ng kalikasan ang pagbubukas sa Liguasan sa mapangwasak na pagmimina at paghalihaw ng mga lokal at dayuhang kumpanya. Taong 2019 pa binalak ni Duterte na ibuyangyang at pagkakitaan ang likas na yaman nito sa kabila ng mga protesta.

Ayon sa pag-aaral, ang patuloy na pagkitid ng bakawan ay nagdulot ng pagkamatay ng napakaraming uri ng isda, puno, mga halaman at ibon sa Liguasan. Sa kasalukuyan, mayroong 201 klase ng halaman at bulaklak sa erya, 170 uri ng ibon kung saan 39 ay dito lamang matatagpuan. Mayroon ding 30 klase ng katutubong isda at mga hayop na dito lamang matatagpuan.

Dahil dito, dumaranas ng matinding kagutuman ang mga residente ng Liguasan. Dagdag pang nagpapahirap sa kanila ang walang patid na panghahalihaw, pambobomba at pang-aatake ng militar sa kanilang mga komunidad sa tabing ng “gera kontra-terorismo.”

Matagal nang pinaglalawayan ng dambuhalang mga kumpanya ng langis, lokal na burukrata at kakunsabo nilang malalaking panginoong maylupang Moro ang Liguasan Marsh. Ang 220,000-ektaryang bakawan ay may mga bahaging sumasaklaw sa mga prubinsya ng North at South Cotabato at Maguindanao. May bahagi itong idineklarang sangtwaryo noon pang 1979. May mga bahagi rin itong tinamnan na ng mga residente ng mais at palay.

Pinaniniwalaang may reserbang langis na nagkakahalaga ng $1 bilyon ang Liguasan. Mayroon din diumano itong depositong 68 bilyong cubic feet ng natural gas na sinasabing nagkakahalaga ng $1 trilyon.

Banta sa Liguasan Marsh