Bilanggong pulitikal, namatay sa India
Pinagpupugayan ng Communist Party of India (CPI)-Maoist si Father Stan Slas Lurd Swamy matapos pumanaw noong Hulyo 5 sa edad na 84. Namatay si Fr. Swamy sa atake sa puso nang hindi payagang magpyansa sa kabila ng katandaan, sakit na Parkinson at Covid-19. Si Fr. Swamy ay tagasuporta ng minoryang mamamayan at kanilang pakikibaka sa Jharkhand sa loob ng tatlong dekada.
Inaresto si Swamy ng armadong pwersa ng India noong Oktubre 2020 matapos akusahan ng “terorismo,” pagiging kasapi ng CPI-Maoist at pagkakasangkot sa tinaguriang kasong Bhima-Koregaon.
Kasama sa kasong Bhima-Koregaon ang 14 na iba pang mga aktibista, propesyunal, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao. Idinadawit sila sa isang “kaguluhan” sa isang pagtitipon noong Disyembre 2017 sa Bhima Koregaon, distrito ng Pune sa Maharashtra. Inakusahan silang nagplanong patayin ang punong ministro ng India na si Narendra Modi. Ginamit laban sa kanila ang Unlawful Activities (Prevention) Act ng 2018 na inamyendahan at mas pinabagsik noong 2019. Nanawagan ang CPI-Maoist sa lahat ng mamamayan ng India at mga demokratikong organisasyon sa ibayong dagat na suportahan ang kagyat na pagpapabasura sa batas.