Kontra-mamamayang lehislatibong adyenda ni Duterte
Sa nakalipas na limang taon, pinagpursigihan ni Rodrigo Duterte kasapakat ng kanyang mga alipures sa Kongreso ang pagpapasa ng samutsaring kontra-mamamayan, anti-demokratiko at neoliberal na mga batas. Sa pamamagitan ng pagratsada sa mga patakarang ito binangkarote ni Rodrigo Duterte ang ekonomya ng Pilipinas at ibinaon sa paghihirap ang sambayanan.
Liberalisasyon ng ekonomya
Sa isang talumpati noong Hunyo 16, inutusan ni Duterte ang Kongreso na iprayoritisa ang pagpapasa ng apat na neoliberal na panukala para pahintulutan ang 100% dayuhang pagmamay-ari sa mga sektor ng ekonomya na dati’y eksklusibong nakalaan para sa mga Pilipino, at kaltasan ang buwis ng mga kapitalista.
Aniya, dapat maisumite na sa kayang tanggapan ang Public Services Act (PSA), Foreign Investment Act (FIA) at Retail Trade Liberalization Act (RTLA), at ang ikatlo at ikaapat na pakete ng Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) para mapirmahan ang mga ito sa “pinakamaagang panahon.” Kabilang sa mga ibubukas ang pagmamay-ari sa pampublikong mga lupain, likas na yaman, institusyong pang-edukasyon, transportasyon, masmidya, pagtitingi at pamumuhunan.
Layon naman ng dalawang pakete ng CTRP na pagaanin ang pasaning buwis ng mga kapitalista sa tabing ng pagpapasimple sa mga buwis sa ari-arian at kapital na kita, at pagbawas sa buwis sa pamumuhunan.
Inaasahang lalamnin ng State of the Nation Address ni Duterte sa Hulyo 26 ang mga panukalang ito, kasama ng pag-amyenda sa mga probisyon sa ekonomiya ng konstitusyon na ipinakete bilang Resolution of Both Houses (RBH) No. 2. Pasado na sa ikatlong pagbasa ang FIA at RTLA, at sa ikalawang pagbasa ang PSA at RBH No. 2.
Una nang ipinatupad ni Duterte ang Rice Liberalization Act noong 2018 na nagresulta sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa at pagkalugi ng lokal na mga magsasaka ng palay. Nito lamang 2020, umabot sa ₱90 bilyon ang nawalang kita ng mga magsasaka. Sa pag-aaral ng Anakpawis Partylist, nagtala ng pagbagsak ng produksyon ng palay sa 27 prubinsya dulot ng pagpapabaya at liberalisasyon ng rehimen sa sektor. Ito ay habang tumaas ang presyo ng bigas sa lokal na merkado nang hanggang 31% sa parehong panahon.
Pahirap na dagdag buwis
Pinakamabigat sa lahat ng mga patakarang ipinatupad ni Duterte ang mga repormang buwis na direktang pinapasan ng mamamayan. Sa simula pa lamang ng kanyang termino, ipinataw na niya ang pahirap na TRAIN Law na nagdagdag ng buwis sa konsumo at langis na nagresulta sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa gitna ng pandemya, pinatawan niya ng dagdag na 10% buwis ang inaangkat na krudong langis at ang maliliit na negosyo sa internet. Balak pa ngayong magpataw ng buwis sa mga serbisyong online at iba pang produktong pagkain.
Habang dinagdagan ang buwis sa ordinaryong mamamayan, binawasan naman mula 30% tungong 25% ang buwis na binabayaran ng malalaking korporasyon sa pamamagitan ng ikalawang pakete ng TRAIN na tinawag na Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o Create Law na iniratsada noong 2020. Tinatayang umaabot sa ₱251 bilyon ang mawawalang rebenyu sa gubyerno sa loob ng dalawang taon sa panahong pinakakailangan ito ng bansa. Binigyan din nito ng samutsaring insentiba ang mga korporasyon.
Anti-demokratikong mga patakaran
Notoryus si Duterte sa pagpapasa ng anti-demokratikong mga batas para gipitin ang kanyang mga katunggali sa pulitika at ipitin ang kanilang mga negosyo. Sa gitna ng pandemya noong Hulyo 2020, inilusot ni Duterte ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Law na lumalabag sa unibersal na mga karapatang-tao. Pangunahing tinatarget nito ang mga kritiko ng rehimen.
Noong Mayo 2020, inudyukan din ni Duterte ang kanyang supermayorya sa Kongreso na patayin ang prangkisa ng ABS-CBN. Naging target ng kanyang pang-iipit ang istasyon dahil hindi umano nito ini-ere ang kanyang mga patalastas sa eleksyon noong 2016. Noong 2018, naging kontrobersyal din ang pagtanggal ni Duterte sa badyet ng kanyang mga katunggaling mambabatas.