Mga sundalo at empleyado, ginawang mga troll

,

Upang lumikha ng huwad na larawan ng suporta para sa rehimeng Duterte, ginagamit ng mga upisyal ng gubyerno at militar ang kanilang mga tauhan bilang mga troll sa social media upang magpalaganap ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Lalo itong napatunayan kamakailan nang malantad ang kalakaran sa loob ng Presidential Communication Operations Office (PCOO) at sa Philippine Air Force (PAF).

Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) nitong Hulyo ang pag-empleyo ng PCOO ng 375 kontraktwal na empleyado na mga “espesyalista” sa social media ay iba pang porma ng propaganda. Gumastos ang PCOO ng kabuuang ₱70.6 milyon o ₱15,689 kada empleyado sa bawat buwan. Bahagi sila ng tinatawag na “troll farm” ng rehimen.

Sa ulat ng COA, nabuko na ang mga ito ay nag-ulat ng halos magkakatulad na trabaho at mga nagawa sa nagdaang taon sa kanilang mga pekeng ulat.

Samantala, nailathala sa Facebook ang isang ulat kaugnay sa sapilitang pagkontrol ng AFP sa mga personal na akawnt ng mga sundalo sa air force.

Ayon sa ulat, pinipilit umano ang mga empleyado na i-share sa social media gamit ang Google Forms ang lahat ng mga inilalabas na pahayag at balita ng PAF. Mayroong mga upisyal na nagtitiyak na ginagawa nila ito at ang hindi sumunod ay pinapatawan ng multa o aksyong disiplina. Ibinunyag ng ulat na rekisito sa bawat empleyado ng PAF na isulat ang kanilang pangalan at serial number sa isang online form at imahe bilang pruweba na nag-“like” sila sa pahayag ng kanilang mga upisyal.

Mga sundalo at empleyado, ginawang mga troll