Paalam at pagpupugay sa 3 bayani ng bayan
Tatlong bayani ng bayan ang sinaluduhan ng mamamayang Pilipino sa angkin nilang pagmamahal sa bayan at husay sa kani-kanilang larangan. Ipinaaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pakikiramay at pakikidalamhati sa pagpanaw sa mamamahayag na si Jose Jaime Espina (Nonoy), dibuhistang si Leonilo Doloricon (Neil) at lider-masa na si Carmen Deunida (Nanay Mameng) ng Kadamay.
Namatay noong Hulyo 7 si Espina dahil sa kanser sa atay. Kinilala ng PKP ang natatangi niyang mga ambag sa pakikibaka para sa malayang pamamahayag. Bilang anak ng Negros, hindi siya naging kimi sa pagsuporta sa pakikibaka ng mga sakada ng tubuhan sa isla.
Naging tagapangulo siya ng National Union of Journalists of the Philippines kung saan pinatampok niya ang paglaban sa pagpapatahimik sa midya, panggigipit ng estado at karapatan ng mga manggagawa sa sektor.
Sa edad na 63, namatay si Doloricon dahil sa mga komplikasyong dulot ng Covid-19 noong Hulyo 15. Isa siyang tanyag na dibuhista at pintor na nagtampok ng mga obrang sumasalamin sa tunay na kalagayan ng bayan at ng mamamayan. Itinuturing siyang isa sa mga haligi ng sosyal reyalismo sa Pilipinas.
Isa sa tanyag niyang obra ang mga larawang inambag niya sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino: Isinalarawan.
Pumanaw si Deunida noong Hulyo 19 sa edad na 93. Kilala siya bilang matapang na lider at tagapagtatag ng samahang maralita na Kadamay. Simula sa rehimeng Marcos, mahusay niyang pinamunuan ang laban ng masang maralita. Naging susing lider-masa si Deunida sa pagpapatalsik sa rehimeng Estrada.