Tiyaking huli na ang SONA ni Duterte
Labis na kinasasabikan ng sambayanang Pilipino ang State of the Nation Address (SONA) ni Duterte sa darating na linggo, hindi dahil gusto nilang makinig sa panibagong mga kasinungalingan, panlilinlang, pambubuska, pagmumura at pagbabanta ng kapit-tuko sa Malacañang, kung hindi dahil sa pag-asang ito na ang huling pagkakataong pagdurusahan ito.
Umaasa ang bayan na huling beses na nilang maririnig ang mga utos ni Duterte sa kanyang mga pulis at militar na patayin ang lahat ng gusto niyang ipapatay, ikulong ang lahat ng gusto niyang ipakulong at patahimikin ang lahat. Sabik silang makitang matuldukan ang tiraniya ni Duterte, ang pangungurakot sa kabang-bayan, pagpapayaman ng nasa poder, pagpapabaya sa kalusugan, edukasyon at kagalingan ng mamamayan, pagdambong sa likas-yaman, walang katapusang pangungutang, pagpiga at pagpapahirap sa masang anakpawis at ordinaryong mamamayan, pagsusubasta sa mga dayuhan ng karagatan ng Pilipinas at pagtatraydor sa kalayaan ng bansa.
Subalit ang totoo, masyado pang maaga para magdiwang ang bayan na ito na nga ang huli ni Duterte. Ayon na rin mismo sa kanya, balak niyang manatili sa poder lagpas sa 2022. Sa kabila ng paulit-ulit niyang paghahambog na “handa akong makulong” sa dami ng kanyang madudugong krimen, labis na kinatatakutan ni Duterte ang posibilidad na siya’y usigin, papanagutin at mabulok sa tangkal. Kaya lahat ay ginagawa ngayon ni Duterte para manatiling nakaupo sa kanyang trono ng kapangyarihan.
Huwad ang kanyang satsat na “ayaw kong tumakbo si Sara,” gayong klarong-klaro na ang pagtakbo ng kanyang anak ang pinakagusto ni Duterte na mangyari para sementuhin ang kanilang dinastiya sa Malacañang. Katunayan, niraratsada na ito ng kanyang mga alipures sa PDP-Laban, kaakibat ng planong pagtakbo niya bilang bise presidente, kahit pa humantong ito sa pagkabiyak at pag-agaw ng liderato ng partido mula sa dating mga alyadong tumatangging sumayaw sa kanyang piniling tugtog. Malaking halaga rin ng salapi ang ginagamit upang ipatanggap ang planong ito sa mga alyadong Marcos at Arroyo.
Ang pagtakbo ng mag-amang Duterte sa eleksyong 2022 bilang presidente at bise-presidente, sa ilalim man ng isa o dalawang partido, ang lumilitaw na unang baraha ng tirano. Sa paghawak ni Duterte sa buong rekurso ng gubyerno at makinarya ng pandaraya sa dekompyuter na pagbibilang ng boto, tiwala siya sa magiging resulta ng eleksyon, katulad kung papaanong ipinanalo ang kanyang mga kandidato sa Senado at Kongreso noong 2019.
Habang nilalaro ni Duterte ang kanyang baraha sa eleksyong 2022, ikinakasa rin niya ang lalupang pagpapatindi ng kampanya ng maramihang pagpatay, pag-aresto at pagsupil. Bahagi ng paghahanda para dito ang desisyon kamakailan ng “Anti-Terrorism Council” na bansagang “terorista” ang National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa tabing ng “kontra-terorismo” at “kontra-insurhensya,” tiyak na tatargetin ang mga patriyotiko, demokratiko at progresibong pwersa, pati na ang mga tagapagtaguyod sa usapang pangkapayapaan at pampulitikang oposisyon na pawang idinadawit na sumusuporta, tumutulong, kaibigan o kaugnayan ng rebolusyonaryong kilusan.
Sa kanayunan, ipinupwesto ng militar ang kanyang mga tropa sa daan-daang mga baryo sa tabing ng “Retooled Community Support Program” (RCSP). Walang habas ang pasistang paninibasib ng mga armadong tropa ng AFP at PNP laban sa masa upang diktahan sila sa eleksyon at lumpuhin sa kanilang paglaban sa teroristang rehimen.
Ang pagpapaigting ng kampanya ng panunupil ay pagtatangka ni Duterte na pigilan ang malaking posibilidad ng pagsiklab ng malawakang galit at pag-aalsa ng milyun-milyong mamamayan sa oras na lumitaw na ang resulta ng dinayang eleksyon. Batid ni Duterte na hindi papayag ang sambayanang Pilipino na magdusa ng anim pang taon sa ilalim ng poder ng kanyang dinastiyan.
Kailangang mahigpit na magkaisa ang lahat ng pwersang nagtataguyod sa demokrasya at sa kabutihan ng bayan para biguin ang lahat ng pakana ng teroristang rehimeng US-Duterte na manatili sa poder. Kailangang ibayong palawakin at palakasin ang iba’t ibang anyo ng nagkakaisang prente laban kay Duterte, laban sa kanyang pagtatraydor sa bansa, pangungurakot, pasismo at pagpapahirap sa bayan.
Malaking hamon sa mga pwersang oposisyon, pati na sa mga progresibo at iba pang pwersang anti-Duterte, na magkaisa sa isang pares ng kandidato sa pagkapresidente at bise presidente upang mas epektibong labanan ang pangkating Duterte sa darating na eleksyon. Malaking hamon na lalabanan nila ang nakaupong rehimen na walang pakundangan sa pag-abuso sa kapangyarihan at paggamit ng buong lakas ng estado para sa pansariling kapakanan.
Sa harap ng walang-lubay na paniniil ng rehimen at lumulubhang kalagayang panlipunan, malaking hamon din para sa sambayanan na kumilos at makibaka para ibalik ang kanilang mga demokratikong karapatan at isulong ang kanilang mga kahilingan para sa dagdag sahod, pangkagipitang ayuda, pagkaltas sa binabayarang buwis, dagdag badyet sa kalusugan, pagrolbak sa presyo ng langis at mga bilihin, pagbalik ng harapang klase at iba pa.
Dapat puspusang palakasin at palawakin ang mga unyon ng mga manggagawa, mga samahan ng mga magsasaka, at ang iba’t ibang anyo ng organisasyon ng masang anakpawis, mga kabataan, titser, mga kawani, kababaihan, at iba pang sektor. Dapat matalinong mag-ingat ang mga target ng pandarahas at paniniil habang binabasag ang pinaiiral na takot ng teroristang rehimen sa pamamagitan ng pagpapalakas ng iba’t ibang anyo ng sama-samang pagkilos ng masa.
Dapat tipunin ang pagkamuhi ng bayan sa tiranikong rehimen ni Duterte at magbantay sa mga pagpihit ng sitwasyon at pagsiklab ng galit ng masa para maramihan silang pakilusin sa lansangan hanggang sa posibilidad ng malawakang pag-aalsa mula ngayon hanggang bago ng halalan o pagkatapos dayain ni Duterte ang bilangan sa eleksyon.
Patuloy na gagampan ng malaking bahagi ang Partido at mga rebolusyonaryong pwersa bilang pinakamatibay na gulugod ng kilusan laban kay Duterte. Sa partikular, dapat tuluy-tuloy na palakasin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at paigtingin ang mga taktikal na opensiba laban sa mga armadong galamay ng rehimen. Ang bawat matagumpay na pagsalakay ng BHB laban sa AFP at PNP ay nagbibigay-inspirasyon at nagpapatibay ng loob ng masa na isulong ang pakikibaka para bigyang-wakas ang pagdurusa sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte.