Walang kabusugan ang mga heneral

,

Lalong humigpit ang kontrol ng militar at pulis sa buong lipunan matapos buuin ni Rodrigo Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa ilalim nito, tumatagos ang kapangyarihan ng mga retirado at aktibong upisyal hanggang sa antas barangay. Bunsod ito ng “whole-of-nation” na estratehiya ng Armed Forces of the Philippines (AFP), upang ipailalim ang sibilyang burukrasya sa disenyo ng militar sa kontra-insurhensya.

Pinakatampok ngayon sa paghahari ng militar at pulis ang pamumuno ng mga ito sa paglaban ng rehimen sa Covid-19. Mistulang nagpalit lang ng bihis at nagrelyebo ang mga heneral ni Duterte sa NTF-ELCAC upang iwasiwas ang kanilang paghahari sa payong ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF). Sa halip na mga duktor at syentista, inilagay ni Duterte ang kapakanan ng pampublikong kalusugan sa kamay ng mga heneral, na dinaan sa golpe de gulat ang paglaban sa pandemya. Tulad ng pagsikil sa mga komunidad na binabansagang teritoryo ng Bagong Hukbong Bayan at mga armadong Moro, itinulak ng mga heneral sa IATF ang pagkontrol sa mobilidad ng taumbayan.

Pero sa kabila ng naglipanang walang-katuturang mga tsekpoynt at pagpapakita ng pangil ng mga sundalo at pulis at kanilang mga armas at tangke, kumakalat pa rin ang bayrus at kulelat ang Pilipinas sa mga bansa sa pagharap sa Covid-19.

Pondo ng bayan

Mamamayan ang pumapasan sa sidhi ng pambubundat ni Duterte sa kanyang mga alagad. Sa gitna ng pandemya, malaking pagwawaldas ang pagpondo sa mga halimaw na dapat sana’y nakatuon para sa pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan.

Lumobo ang badyet ng AFP at PNP nang 27.7% mula ₱289 bilyon noong 2017 tungong halos ₱400 bilyon ngayong taon. Samantala, sa halos parehong panahon ay lumiit naman ang badyet sa kalusugan nang 10.7%, Sa badyet ngayong taon, ₱33 bilyon ang inilaan para sa pagbili ng karagdagang armas at kagamitan para sa “modernisasyon” ng AFP. Inaareglo rin ng rehimen na magbuhos ng karagdagang pondo at armas ang US kapalit ng renegosasyon ng Visiting Forces Agreement.

Dahil din sa pinaraming bilang ng unipormadong mga tauhan at paglaki ng kanilang sahod, lolobo rin ang ipangtutustos sa kanilang pensyon. Ito’y dahil hindi tulad ng karaniwang mga kawani ng gubyerno, ang mga sundalo, pulis at iba pang unipormadong tauhan ay hindi nagbabayad ng kontribusyon para sa kanilang pensyon. Kapag nagretiro, kukunin sa buwis ng taumbayan ang kanilang pensyon. Lumalaki ang kanilang natatanggap batay sa anumang nadaragdag sa kasalukuyang sweldo ng mga nasa aktibong serbisyo.

Ayon sa Government Service Insurance System, sa susunod na 20 taon, masasaid ang kaban ng bayan dahil ₱859 bilyon taun-taon ang kailangan para lamang sa pensyon ng mga unipormadong tauhan ng estado. Matapos ang mga negosasyon, matigas pa rin ang AFP at PNP laban sa pagsasabatas ng kanilang obligasyon na magbayad ng pensyon. Kaya sa ilalim ng dagdag-badyet na Bayanihan 3, nagsingit ang AFP at PNP ng ₱54.6 bilyon para tustusan ang kanilang pensyon. Ito ang ikalawang pinakamalaking halaga sa panukalang badyet.

(Ito ang huli sa dalawang-bahaging artikulo.)
UNANG BAHAGI:
Nang busugin ng diktador ang kanyang mga halimaw

Walang kabusugan ang mga heneral