Kalatas July 2021 | Unang anibersaryo ng ATL, sinalubong ng protesta
Sa unang anibersaryo ng pagsasabatas ng Anti-Terror Law (ATL) noong Hulyo 4, naglunsad ng kilos protesta ang mga militanteng organisasyon sa Timog Katagalugan sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST) sa Balibago, Sta. Rosa Laguna. Nanawagan sila sa pambansa at internasyunal na komunidad na pahigpitin ang pagkakaisa at palakasin ang mga kampanya laban sa madudugong atake ng rehimeng Duterte.
Hustisya ang daing ng mamamayan ng TK sa lahat ng mga krimen ng rehimeng Duterte at kabi-kabilang kaso ng paglabag sa karapatang tao. Tumindi ang pandarahas at impyunidad matapos iratsada ni Duterte ang ATL noong nakaraang taon. Pinakatampok sa rehiyon ang naganap na Bloody Sunday noong Marso 7 na kumitil sa buhay ng siyam na aktibista at inaresto ang anim na iba pa. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang nakakamit na katarungan para sa mga biktima at kanilang mga kaanak.
Ayon sa BAYAN-ST, “Lalupang titindi at magtutuluy-tuloy ang mga atake laban sa mga progresibo sa rehiyon hangga’t hindi napapanagot ang mga mastermind sa likod ng mga pamamaslang na sina Lt. General Antonio Parlade Jr., CALABARZON Regional Police Chief Vicente Danao at dating PNP Chief Debold Sinas.”
Nakatanggap din ang BAYAN-ST ng impormasyon na maglulunsad pa ang AFP-PNP ng isa pang bugso ng singkronisadong operasyon sa rehiyon laban sa mga progresibo at aktibista.
Samantala, sa ika-apat na buwang paggunita sa Bloody Sunday noong Hulyo 7, naglunsad ng press conference ang Defend Southern Tagalog, bandang 9:00 ng umaga upang ibahagi ang mga panimulang datos mula sa independyenteng pagsasaliksik at awtopsiya sa katawan ng mga biktima ng Bloody Sunday pati ang istatus ng kaso ng mga iligal na inarestong aktibista. Pagsapit ng 4:00 ng hapon, naglunsad sila ng koordinadong online protest.
Pagtatapos ng BAYAN-ST, “Magkaisa tayo para panagutin si Duterte at ang AFP-PNP laban sa kanilang mga krimen sa bayan!”###