Kalatas July 2021 | Ang marahas na RCSP at kampanyang pagpapasuko sa Mindoro
Sa pagkakaingin nagmumula ang pagkain at kalakal ng komunidad ni Mang Lito sa isang bayan sa Mindoro. Subalit sa nakaraang mga buwan, hirap silang ituloy ang pagkakaingin dahil sa mga sundalong tumitigil sa baryo. Naroon daw ang mga ito upang iligtas ang komunidad mula sa mga “teroristang NPA”.
Pero hindi “ligtas” ang pakiramdam nina Mang Lito. Sa buong panahong naroon ang mga sundalo, araw-araw ang patawag sa kampo. Hinaharang ang mga papuntang kaingin. Mayroon ngang mga gumagawa ng kubeta’t liguan, ngunit mas maraming nanggugulo at nananakit ng taumbaryo. Banta ng kumander ng mga pasista sa komunidad “sumuko’t umamin kung nasaan ang mga NPA.”
Panlilinlang, pananakot sa mamamayan
Ang karanasan nina Mang Lito ay larawan ng retooled community support program operations (RCSPO) ng AFP-PNP sa isla ng Mindoro.
Pinakete ang RCSPO bilang paghahatid serbisyo sa mga liblib na lugar na hindi naaabot ng gubyerno. Karaniwang aktibidad nito ang pagtatayo ng mga pampublikong pasilidad, mga proyektong pangkabuhayan at misyong medikal na ipinatutupad sa tulong ng mga LGU at mga sibilyang institusyon. Kinaratulahan ng 203rd Brigade at lokal na Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Oriental at Occidental Mindoro ang RCSP sa isla na Convergence Caravan.
Padron ang pagdadala ng caravan sa mga lugar na pinaglunsaran ng focused military operations (FMO). Halimbawa, noong Nobyembre 2019, nagkaroon ng caravan sa Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Bago ito’y nag-operasyon ang laking-batalyong pwersa ng AFP at PNP sa baryo noong Agosto at Oktubre. Nag-caravan din sa San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan sa Occidental Mindoro noong Marso 2020 matapos ang panghahalihaw rito sa unang kwarto ng 2020.
Bahagi ng Convergence Caravan ang mga seremonya kung saan bumabaha ang mga paninira sa rebolusyonaryong kilusan at huwad na pangako ng kaunlaran. Dumadalo sa mga pagtitipon na ito ang sugo ng 203rd Brigade na si Lerma ‘Liway’ Bulaklak at dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC na si Antonio Parlade. Dito ipinipresinta ang mga ‘sumukong NPA’ upang lumikha ng ilusyon na diumano’y marami nang sumukong Pulang mandirigma. Tinatakot ang mga surenderee na “papatayin sila ng NPA dahil sumuko na sila.”
Kalakhan ng mga target ng RCSPO ay mga komunidad ng mga Mangyan. Bukod sa huwad na gera kontra-terorismo, maitim ding layunin ng RCSPO ang pananakot at pagpapalayas sa mga pamayanan sa kabundukan para ibukas ang likas-yaman sa pandarambong ng mga dayuhan at burgesya kumprador para sa pagmimina at mga proyektong pang-enerhiya.
Sapilitang pagpapasuko
Kaakibat ng RCSPO ang kampanyang pagpapasuko sa mga pinararatangang tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan, Pulang mandirigma at miyembro ng mga rebolusyonaryong organisasyon. Ginawang kalakaran ang pagpapalinis ng pangalan paglapag ng yunit ng RCSPO sa baryo. Ang mga “nagpalinis ng pangalan” ang ipinaparadang mga “sumukong NPA” sa publiko.
Kasama si Mang Lito sa mga pilit pinasuko ng mga sundalo. Pinatawag siya sa kampo, binulyawan, sinaktan at magdamag na ininteroga. Matapos takutin, inuudyukan siyang isuko ang mga armas na diumano’y na nakatago sa kanyang bahay kapalit ang P60,000 hanggang P80,000.
Inalok din si Mang Lito ng pabuya kapalit ng paglason sa mga NPA sakaling dumaan sa kanyang bahay. Matapang siyang sumagot na hindi niya kayang pumatay ng kapwa tao.
Para makauwi ang mga iniinteroga, pinapipirma sila sa papel na nagsasabing “sumuko” sila bilang mga NPA o kasapi ng mga rebolusyonaryong organisasyon. Sa ganitong modus pinalolobo ang bilang ng mga “surrenderee”. Pinaghahati-hatian ng mga matataas na upisyal ng AFP at TF-ELCAC ang insentibong pabuyang P50,000 sa bawat napalilitaw na diumanong sumukong NPA. Kaya ganun na lamang kapursigido ang mga pasista na magparada ng mga pekeng “sukong NPA” hindi lamang para sa say-ops kundi para pagkitaan ng mga upisyal ng AFP at TF-ELCAC. Sa pahayag ng rehimen, aabot sa 234 ang surrenderee mula sa Mindoro noong 2019 habang 58 umano ang napasuko noong 2020.
Maduming taktika rin ng AFP-PNP sa pagpapasuko ang pagpapakalat ng mga pekeng balita tungkol sa mga pinaghihinalaang mga kasapi ng BHB upang lumikha ng isterya sa kanilang pamilya at pamayanan. Sa social media, pinalalaganap ang mga balitang namatay sa labanan ang ilang mga kasapi at kumander ng BHB na kabilang sa ‘Order of Battle’.
Ginagamit ng AFP-PNP ang mga pekeng suko sa pagpapakalat ng black propaganda at fake news sa mamamayan. Kapalit ng mga ‘benepisyo’ ng E-CLIP, pinagsasalita sila sa mga porum upang siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Ang ibang sumuko ay pinupwersang lumahok o gumiya sa mga operasyong militar. Imbes na tahimik na buhay, mas malalang panliligalig ang dinadanas nila dahil hahawakan sila sa leeg ng mga militar.
Halimaw sa kaibuturan
Tinaguriang “pampalambot” pero manipis ang makataong bihis ng RCSP. Maraming kwento ng paghahasik ng teror ng mismong yunit ng RCSP. Nag-iikot-ikot ang mga ito sa baryo tuwing gabi at basta-basta nanghahalughog ng bahay. Mistula ring batas militar kung saan bantay-sarado ang komunidad para “walang makatakas” na residente.
Pananakot ng mga pasista, susunugin ang mga bahay at papatay sila ng sibilyan kung aatakehin sila ng NPA at may mapinsala sa kanilang hanay. Tanda ng papasidhing karahasan sa isla ang pagpatay kamakailan sa lider-katutubo na si Baduy dela Cruz sa Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro. Pinag-initan siya ng kaaway dahil sa kanyang papel sa paglaban ng mga katutubo sa mga pastuhan. Matagal siyang pilit na pinasusurender ng militar bago tuluyang pinaslang noong Hulyo 29.
Bagamat natatakot sa mga militar, gumagawa ng paraan ang mga katutubo’t magsasaka upang patuloy na maghanapbuhay at ipaglaban ang karapatan sa mapayapang pamumuhay. Noong 2020, organisadong lumikas ang anim na pamayanan. May ilang komunidad namang nagsama-sama’t bumuo ng bagong pamayanan upang harapin ang mga nag-ooperasyong sundalo. Pinilit pa rin nilang balikan ang kanilang mga kaingin kahit na tatlo hanggang limang oras na ang layo ng mga ito. Naghahanap sila ng tiyempo para maiwasan ang mga nagbabantay na militar.
Hindi nailingid ng maskara ng pakitang-taong serbisyo at pagkakawanggawa ang halimaw na pasista sa kaibuturan ng rehimeng Duterte. Kinamumuhian ng mamamayang Mindoreño ang rehimen at ang armadong pwersa nito. Marubdob ang kanilang hangarin para sa katarungan at hustisyang panlipunan na makakamit lamang sa pamamagitan ng pagsusulong ng pambansa demokratikong rebolusyon.###