Kalatas July 2021 | Ang RCSPO sa likod ng mapanlinlang na Ugnayan Caravan ng 201st Brigade
Mariing kinondena ng Apolonio Mendoza Command (AMC)-BHB Quezon ang tuluy-tuloy na RCSPO ng 201st Brigade ng Philippine Army sa tabing ng Ugnayan Caravan. Noong Hulyo 15, inilako mismo ni Bgen. Norwyn Tolentino ng 201st Brigade ang mga pekeng proyektong pangkaunlaran sa Brgy. Binahian-C, Lopez kung saan pinamimili niya ang mga residente sa pagpapatayo ng kalsada, iskwelahan o signal ng telepono.
Ayon kay Cleo del Mundo, tagapagsalita ng AMC, “Walang saysay ang mga kalsada kung bagsak ang presyo ng kopra. Walang saysay ang mga paaralan kung walang papasok na mga iskuwela. Lalong walang pakinabang ang signal ng telepono para sa mga maglulukad na surang-sura na kay Duterte sa pag-utos sa kanilang kainin na lang ang kopra para maibsan ang gutom at kahirapan.”
Inilantad ng BHB-Quezon na winawaldas lamang ng AFP ang pondo ng bayan sa sunud-sunod na FMO at RCSPO. Kasabay nito ang malakas na panawagan ng mamamayan ng Quezon na ilabas ang accounting sa P19 bilyong pondo ng NTF-ELCAC laluna sa kwentada ng mga gastos sa mga huwad na proyektong pangkaunlaran sa ilalim ng Barangay Development Program.
Dagdag ni del Mundo, “Tahasang ginagamit ang naturang pondo bilang gasolina sa marahas na kampanyang pagpapasuko at red-tagging ng SOLCOM sa lalawigan.”
Hinaharas at nire-red-tag ni Tolentino ang progresibong samahan na Tanggol-Quezon at ang mag-asawa at mga lider na sina Antonio at Marilyn Pajalla. Sila ay mga aktibong lider at kasapi ng Anakpawis Partylist at Karapatan sa lalawigan. Pinepresyur sila na magpalinis ng kanilang pangalan at naghamon pa si Tolentino na ihaharap sila sa isang porum.
Sa nagdaang mga buwan, sunud-sunod ang mga kaso ng sapilitang pagpapasuko at panggigipit sa mamamayang pinaghihinalaang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, kabilang ang malisyosong pagdadawit sa mga miyembro ng ligal na samahan sa mga bayan ng Catanauan, Macalelon, Mulanay, San Narciso at San Francisco.###