Kalatas July 2021 | Barikada ng mamamayan, pinigilan ang demolisyon sa Cavite

,

Binigo ng nagbarikadang mga manininda at residente ng Brgy. Tartaria, Silang, Cavite ang iligal na demolisyon sa higit 100 bahay at mga tindahan sa kahabaan ng Santa Rosa-Tagaytay Road noong Hulyo 14. Walang ipinakitang court order para sa demolisyon ang 200-kataong demolition team na ipinadala ng nagpapalayas na pamilya Aguinaldo.

Magiting na hinarap ng mga residente at manininda ang 100 pribadong goons ng pamilya Aguinaldo at 100 gwardya mula sa Merge Core Security Agency. Inilalarga ang demolisyon sa Santa Rosa-Tagaytay Road upang bigyang-daan ang proyekto ng Ayala Land Inc. (ALI). Planong magtayo rito ng mga komersyal na gusali sa kahabaan ng highway hanggang Tagaytay bilang bahagi ng CALABARZON Regional Development Plan (RDP) ng National Economic Development Authority (NEDA).

Ang lupang ipinagtatanggol ng mga residente at manininda ay inaangkin ni Emilio “Orange” Aguinaldo IV, ang apo sa tuhod ng papet at taksil na dating pangulo na si Emilio Aguinaldo. Kabilang ito sa 300-ektaryang lupang Aguinaldo na inangkin ng pamilyang Aguinaldo noong 1940. Saklaw nito ang ilang bahagi ng Silang at Tagaytay, Cavite at dumudulo sa Santa Rosa-Tagaytay Road, kahanggan ang 7,100 ektaryang Hacienda Yulo sa Laguna.

Ayon sa Samahang Magbubukid sa Tartaria (SAMATA), “Walang lehitimong karapatan ang mga Aguinaldo sa lupa dahil nakuha lamang nila ang mga titulo gamit ang mga butas sa batas. Karamihan sa mga residente ng lupang Aguinaldo ay nakatira na rito simula pa 1911.”

Target na paunlarin pa ang Tagaytay bilang isa sa mga mayor na tourist spot sa bansa kaya’t iniraratsada ang mga proyekto at negosyo sa kahabaan ng highway ng Santa Rosa-Tagaytay Road. Ipinagawa ng ALI ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX) na dadaan sa Santa Rosa-Tagaytay Road para sa mas mabilis na byahe tungong Tagaytay. Noong maagang bahagi ng 2000, itinayo ang mga subdivision, hotel, park at iba pang negosyo ng ALI at Greenfield Development Corporation ni Lucio Tan sa Santa Rosa, Laguna na nagpalayas sa mga magsasaka at residente sa lugar.

Nitong Hulyo 9, iligal na dinemolis ang 200 mga bahay at tindahan sa Sitio Cawad, Brgy. Santo Domingo, Santa Rosa. Pinalayas sila para maitayo ang proyektong “pangkaunlaran” ng CrownAsia, pagmamay-ari ng pamilya Villar.

Nakahanda ang mga residente sa kahabaan ng Santa Rosa-Tagaytay Road na patuloy na makibaka sa harap ng bantang demolisyon bunsod ng pagraratsada ng CALABARZON RDP bago matapos ang termino ni Duterte sa 2022.###

Kalatas July 2021 | Barikada ng mamamayan, pinigilan ang demolisyon sa Cavite