Kalatas July 2021 | INDEKS hinggil sa WPS, inilabas ng KARED-TK
Inihahandog ng Kagawaran sa Edukasyon-Timog Katagulagan (KARED-TK) ang INDEKS: Ipaglaban ang ligal at istorikal na karapatan ng Pilipinas sa WPS laban sa pangangamkam ng imperyalistang China, isang praymer hinggil sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa West Philippine Sea.
Layunin ng praymer na armasan ng batayang kaalaman ang mamamayan sa mga usaping nakapalibot sa WPS kabilang ang usapin sa kalawakan ng karagatan, soberanyong karapatan sa karagatan, ilang internasyunal na batas at ugnayan sa internasyunal na komunidad na may kinalaman sa karagatan at iba pang lumitaw na mga usapin sa pagtatanggol ng Pilipinas sa pambansang soberanya.
Binuo ang praymer sa okasyon ng anibersaryo ng tagumpay ng Pilipinas na igiit sa Permanent Court of Arbitration ang EEZ at ang mga teritoryo nito sa WPS noong Hulyo 2016. Sinasagot ng praymer ang pangunahing katanungang: Ano ang dapat gawin ng bawat Pilipino sa pagtatanggol sa ating teritoryo at karagatan? Layunin din nitong ipakita ang kabuluhan at kahalagahan ng laban sa pagtatanggol sa WPS at ang kaugnayan nito sa pambansa demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino.
“Sa harap ng mga nakalilito at mapanghating mga deklarasyon hinggil sa WPS ng kasalukuyang traydor at bentador ng pambansang soberanya na si Duterte, mahalagang pagkaisahin ang sambayanang Pilipino sa pag-unawa at pagtatanggol sa mga karapatan, soberanya sa usapin ng WPS at mailantad ang pakikipagsabwatan ng rehimen ni Duterte at kanyang mga alipures sa imperyalismong China habang patuloy na nangangayupapa sa isa pang imperyalistang among US,” paglilinaw ng KARED-TK.###