Kalatas July 2021 | Mga biktima ng pag-aalburuto ng bulkang Taal, inabandona ng gubyernong Duterte
Pinabayaan ng gubyernong Duterte ang libu-libong residenteng lumikas bunsod ng muling pag-alburuto ng bulkang Taal. Tulad ng dati, kulang ang ayuda at mabagal ang pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima.
Matinding takot at pangamba ang dulot ng sunud-sunod na lindol. May epekto rin sa kalusugan ang ibinubugang sulfur dioxide ng bulkan na umaabereyds ng 22,628 tonelada kada araw.
Nasa 6,027 pamilya o 21,789 indibidwal ang naitalang nadisloka sa pag-aalburuto ng bulkan kung saan 1,688 pamilya o 5,922 indibidwal ang nasa 26 evacuation centers. Apektado ng sakuna ang 145 barangay.
Higit na lumala ang kalagayan ng mga biktima sa mga evacuation center dahil sa pananalasa ng pandemyang COVID-19. May mga bakwet na nagpositibo na sa bayrus. Hirap din silang magbalik-hanapbuhay dahil sa lockdown.
Noong 2020, tinatayang 500,000 residente ng Batangas at Cavite ang nawalan ng tirahan at kabuhayan habang P3.045 bilyon halaga ng mga produktong agrikultural ang nasira. Nangako si Duterte ng P29.9 bilyon para sa rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad. May mga residente na ipinaloob sa programang pabahay ngunit idinadaing nilang malayo ito sa kanilang pook-trabaho at salat sa serbisyo at utilidad. Pinapasan din nila ang mga buwanang bayarin sa gitna ng malawakang disempleyo sa panahon ng pandemya.
May mga biktimang nagreklamo na wala silang natanggap ni isang kusing mula sa gubyernong Duterte. Nalantad pa ang kabiguan ng rehimen na gastusin ang natitirang P168.7 bilyon sa Bayanihan 1, 2 at 2021 pambansang badyet. Ipinapanawagan nilang ilaan ito sa ayuda para sa mga biktima ng sakuna.
Sa halip na bigyan ng kaukulang pansin at ayuda ang mga biktima ng pagsabog bulkang Taal, nakuha pa ni Duterte na magbiro at sabihing, “takpan na lang ang bunganga ng Taal.”
Bagama’t ibinaba na sa Alert Level 2 ang bulkan Taal sa katapusan ng buwan, patuloy ang panawagan ng mga biktima para sa ayuda at suporta. Iginigiit din nilang bigyan sila ng serbisyong medikal sa pagharap sa COVID-19.###
sulfur dioxide (SO2) — walang kulay, masangsang at nakakalasong kemikal na sumasama sa hangin