Kalatas July 2021 | Singilin si Parlade sa kanyang mga krimen sa bayan
Nagretiro na si Lt. General Antonio Parlade Jr. sa AFP bilang hepe ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at tagapagsalita ng NTF-ELCAC subalit nananatili at hindi malilimutan ang kanyang madugong rekord sa kasaysayan at alaala ng mamamayan ng Timog Katagalugan at buong bansa. Kaya ang sigaw ng bayan, papanagutin ang sinungaling, red-tagger, troll at pasistang si Parlade!
Notoryus si Parlade bilang numero-unong sinungaling at walang tigil sa kangangawa ng mga paninira sa rebolusyonaryong kilusan, mga progresibong pwersa, oposisyon at kritiko ng rehimen. Bukod sa naririndi na sa kanya ang taumbayan, kinasusuklaman siya sa sunud-sunod na red-tagging at pagbabanta sa buhay ng mga progresibo at aktibista. Ni-red tag din niya maging mga kinatawan ng United Nations na sina Agnes Callamard at Victoria Tauli-Corpuz.
Bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC, higit na nagpakalat ng lason at mga itim na propaganda si Parlade. Isa siyang troll na nangungutya at nagpalaganap ng mga pekeng balita at walang basehang akusasyon na inuulit-ulit sa social media.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno sa SOLCOM, walang sagkang naghasik siya ng terorismo na nagresulta sa libu-libong kaso ng paglabag ng AFP-PNP sa karapatang tao sa TK. Tampok dito ang Bloody Sunday na pumaslang sa siyam na aktibista at iligal na nang-aresto sa anim na iba pa. Libu-libong mamamayan sa rehiyon ang biktima ng walang habas na pambobomba at atrosidad sa FMO at RCSPO. Nagpakana rin siya ng mga kampanyang pagpapasuko at saywar gamit ang mga bayaran at pekeng surrenderee.
Napakahaba ng listahan ng mga krimen ni Parlade sa bayan. Kasuka-suka pa ang ambisyon nitong maging senador sa 2022. Matapos ang rekord nito sa AFP, dapat siyang makulong at hindi maluklok sa anumang posisyon sa reaksyunaryong gubyerno.
Hindi titigil ang sambayanan sa pang-uusig kay Parlade hanggang makamit ang katarungan. Aabutin siya ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya at magbabayad siya sa lahat ng kanyang inutang na dugo sa bayan.###