Kalatas July 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat ibasura ang VFA at iba pang di-pantay na tratadong militar sa US?

,

Malaon nang nakikibaka ang mamamayang Pilipino para palayasin ang imperyalismong US sa bansa. Marubdob na nakidigma ang mga ninunong Pilipino sa mga mananakop na Amerikano. Nang itatag ang papet na republika at isabatas ang mga di-pantay na kasunduang militar sa bansa, sinalubong ito ng maaalab na pakikibakang bayan. Noong 1991, matagumpay na naitulak ng mamamayan ang Senado na ibasura ang Military Bases Agreement (MBA). Nilansag at nilisan ng mga pwersang Amerikano ang mga base militar sa Pilipinas.

Subalit tuso ang imperyalismong US. Iniluklok nito ang pinakasagadsaring tutang si Fidel Ramos noong 1992 at nagmaniobrang ibalik ang mga tropa nito sa bansa sa pamamagitan ng umiiral na Mutual Defense Treaty (MDT) ng 1951 kahit wala na ang baseng militar ng US sa bansa. Noong 1992, pinirmahan ni Ramos ang Access and Cross-Servicing Agreement (ACSA) na nagbigay-laya sa mga pwersang militar ng US na maglabas-masok sa bansa kahit binuwag na ang MBA.

Mabilis na nanumbalik ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa nang isabatas noong 1999 ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng sumunod na papet na pangulong si Joseph Estrada. Isinabatas naman ng gubyernong Arroyo ang Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) noong 2002 at ng gubyernong BS Aquino ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa taong 2014. Dahil sa naturang di-pantay na mga kasunduang militar, dumami, dumalas at naging permanente ang presensya ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Lalong nagbigay ito ng pahintulot at luwag sa mga sundalong Amerikano para sa kanilang lantarang panghihimasok at pakikialam sa umiiral na armadong tunggalian sa bansa at sa diumanong “pagtulong” nito sa papet na gubyerno laban sa “terorismo at marahas na ekstremismo.”

Patuloy na hinahamon ang mamamayang Pilipino na palayasin ang mga tropa ng US at ipagtanggol ang pambansang soberanya ng bansa. Noong Hulyo 29, pinagtibay ni Duterte ang VFA matapos ang pulong nila ni US Defense Secretary Lloyd Austin III. Higit lamang nitong pinatunayang si Duterte ay tuta ng US at malaking kabulastugan ang kanyang mga pahayag noong nakaraang taon na ibabasura niya ang kasunduan.

Makatwiran ang panawagan ng sambayanan na ibasura ang VFA at iba pang di-pantay na tratadong militar sa US dahil niyuyurakan nito ang soberanya ng bansa. Binibigyan nito ng ekstra-teritoryal na kapangyarihan ang imperyalismong US na manghimasok sa mga panloob na usapin ng bansa. Ginawang ligal ang paglabas-pasok ng mga pwersang militar ng US sa tabing ng mga “tulungan”, ehersisyong militar na Balikatan Exercises sa pagitan nito at sa AFP at iba pa. Inililihim din nito sa mamamayang Pilipino ang dami ng pwersa, layunin ng pagpasok, katangian ng kanilang mga operasyon at tagal ng pamamalagi sa bansa.

Ang VFA at iba pang di-pantay na tratadong militar sa US ay nagbibigay-daan para malayang lapastanganin ng mga pwersang militar ng US ang karapatan ng bayan nang hindi napapanagot sa kanilang mga krimen. Hindi sakop ng reaksyunaryong batas ang mga pwersa ng US kaya asal-hari ang mga ito at nakagagawa ng mga karahasan sa bansa nang walang anumang mabigat na pananagutan. Inireresulta rin ng malaya at walang-taning na pagpasok ng mga tropa at sasakyang pandigma ng US ang pagkasira sa kalikasan ng Pilipinas.

Ipinagkakaloob ng mga tutang gubyerno ang kalayaan at karangyaan sa mga pwersa ng US, habang tinatratong alipin ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa loob ng mga base militar nito. Pinagbabawalan ding lumapit at pumasok ang ibang Pilipino sa lupaing sakop ng mga base kahit saklaw pa ito ng teritoryo ng Pilipinas. Nang itayo ang base militar ng US sa Ulugan Bay, Puerto Princesa City, Palawan, pinalayas ang mga residente at isinara ang buong look.

Kailangan ng US ang mga base militar sa Pilipinas upang makontrol ang ekonomya, pulitika, militar at ugnayang panlabas ng bansa bilang malakolonya nito. Nang iginawad nito ang huwad na kalayaan sa Pilipinas, tiniyak ng imperyalismong US ang pagkakaroon ng mga base militar dito upang patuloy na ipataw ang kapangyarihan at kontrol sa bawat papet na rehimen. Nakatali rin dito ang tulong-militar at suportang pang-ekonomya ng US sa reaksyunaryong gobyerno. Dagdag pa, mahigpit at lubusang kontrolado ng US ang AFP.

Ang pag-iral ng mga di-pantay na tratadong militar at mga base militar ng US sa Pilipinas ay bahagi ng patuloy na dominasyon ng imperyalismong US sa rehiyong Indo-Pasipiko. Estratehiko ang Pilipinas para matiyak ang geo-pulitikal na interes ng US at mapangalagaan ang hegemonya nito sa rehiyon. Paborable ang pagpwesto nito sa Pilipinas para mapigilan ang paglawak ng impluwensya ng China sa daigdig, na banta sa kapangyarihan at dominasyon ng US.

Mapanganib ang mga kasunduang militar ng US sa Pilipinas dahil itinatali ng US ang bansa sa mga pakanang militar at geo-pulitikal na interes nito sa buong daigdig. Malaking papel ang ginagampanan ng mga base militar sa Pilipinas sa mga gerang agresyon ng US. Ginamit na pasilidad-militar ng US ang Pilipinas sa gitna ng gerang agresyon nito sa Vietnam. Ang Agent Orange na ginamit nito para sirain ang kabundukan ng Vietnam ay ineksperimento sa Mt. Makiling sa Laguna.

Kinakaladkad ng imperyalismong US pati ang mga sundalong Pilipino sa mga gerang agresyon nito. Halimbawa ang “war on terror” na idineklara ng US laban sa Iraq noong 2003, gerang agresyon nito sa Vietnam noong dekada 1960 at ang digmaang sibil sa Korea noong dekada 1950.

Umani ng matindi at malawak na pagtutol ng sambayanan ang pagpapanatili ng mga base militar ng US sa bansa. Sa nagdaang mga taon, binatikos at nilabanan ng mamamayang Pilipino ang tahasang pagyurak sa soberanya at panghihimasok ng imperyalismong US sa bansa. Dapat ipagpatuloy ng mamamayang Pilipino ang kanilang pakikibaka para buwagin ang mga di-pantay na tratadong militar sa pagitan ng Pilipinas at US.

Nasa unahan ng bayan ang PKP-BHB-NDFP sa paggigiit ng pambansang kasarinlan at pagbabasura sa lahat ng mga di pantay na kasunduan ng Pilipinas sa US. Kailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang palayain ang bayan mula sa tanikala ng pagkaalipin at sistemang malakolonyal at malapyudal na ipinataw ng imperyalismong US. Sa paglaya ng bansa sa imperyalismong US, itatayo ang gubyernong bayan na magtataguyod sa demokratikong interes ng mamamayan. Itinataguyod din nito ang tunay na nagsasariling patakarang panlabas na nagsusulong ng pambansang soberanya, kasarinlan at teritoryal na integridad ng Pilipinas.###

Kalatas July 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Bakit dapat ibasura ang VFA at iba pang di-pantay na tratadong militar sa US?