Kalatas July 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Paano itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang tunay na nagsasariling patakarang panlabas?

,

Ang patakarang panlabas at pakikipagrelasyon ng Pilipinas sa ibang bayan ay isang napakahalagang usapin na dapat na pagtuunan ng malaking pansin ng mamamayang Pilipino. Kung hindi mahusay ang pagtataguyod dito, mauuwi lamang ito sa hegemonya ng isang estado sa isa pang estado; at ng mga di tunay na malayang bayan.

Isang ilusyon lamang ang diumanong ipinagmamalaking nagsasariling patakarang panlabas ni Duterte na walang iba kundi pagpapatuloy lamang ng mga kolonyal at neokolonyal na patakarang panlabas ng mga nagdaang rehimen. Walang kahihiyang isinusubasta at isinusuko nito ang pambansang patrimonya, soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas kapalit ng pautang at ayudang militar sa mga nagriribalang bansang US at China.

Hanggat nananatiling malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino imposibleng magkaroon ng nagsasariling patakarang panlabas ang nakaluklok na papet na rehimen. Sa ilalim ng malakolonyal na kaayusan, patuloy lamang na iiral ang pagiging kliyenteng estado ng Pilipinas at mga di pantay na tratado at kasunduan sa ilalim ng dominasyon ng mga imperyalistang kapangyarihan pangunahin ng US.

Ang nagpapatuloy na pagyukod ng rehimeng Duterte sa imperyalismong US at pagiging kliyenteng estado nito ng US at China ay malinaw na nagpapakitang hindi kailanman nagkaroon ng nagsasariling patakarang panlabas ang Pilipinas bilang isang neokolonya. Sa larangan ng pulitika, patuloy ang paninikluhod ni Duterte sa US at ang panghihimasok mismo ng huli sa iba’t ibang usapin sa bansa gamit ang papet na gubyerno at mga maka-US at ultra-kanang mga elemento sa burukrasya at militar na sinanay mismo ng nasabing imperyalistang kapangyarihan.

Samantala, sa larangang militar, nananatili ang mga di pantay na kasunduang militar na Mutual Defense Treaty, Enhanced Defense Cooperation Agreement at ang Visiting Forces Agreement na muling na pinagtibay ng rehimen kamakailan lamang (basahin ang hiwalay na artikulo). At sa larangang pang-ekonomiya, pinaigting ang pagpapatupad mga patakarang neoliberal sa bansa na lalong nagpapahirap sa mamamayan laluna sa mga manggagawa at magsasaka.

Ilusyon ang nagsasariling patakarang panlabas ni Duterte. Pawang buladas lamang ang kanyang ipinagmamayabang mula noong maupo sa pwesto na itataguyod nya ang isang nagsasariling patakarang panlabas. Hindi ito totoo at kailanma’y hindi ito nangyari sa nakalipas na mahigit limang taon ng kanyang panunungkulan. Disin sana’y walang mga nakatayong base militar ng US sa bansa, walang mga di pantay na tratadong militar sa pagitan ng Pilipinas at US at hindi pahihintulutan ang anumang aktibidad ng China sa teritoryo at EEZ ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Maging ang pusisyon ng Pilipinas sa mga multi-lateral na organisasyon tulad ng United Nations, Association of Southeast Asian Nations, Asia Pacific Economic Cooperation at General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization ay malinaw na nagtataguyod sa geo-pulitikal na interes ng US sa Asya-Pasipiko at sa daigdig.

Taliwas naman sa makaimperyalistang patakarang panlabas ni Duterte, simula’t sapul tanging ang rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas lamang ang nagtataguyod ng isang tunay na malaya at independyenteng ugnayang panlabas. Nasa bag-as ng patakarang ito ang pagtataguyod ng pambansang soberanya at kalayaan ng Pilipinas na may limang prinsipyo: mutwal na paggalang sa teritoryal na integridad at soberanya; mutwal na hindi pagsasalakayan; hindi pakikialam sa mga panloob na usapin; pagkakapantay-pantay at mutwal na pagtutulungan; at mapayapang pakikipamuhay.

Itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo na pangunahing prinsipyong gumagabay sa Partido, hukbong bayan at NDFP sa pakikipag-ugnayan sa ibang bayan, mga praternal na proletaryong partido at ibang mapagkaibigang mga partido at iba pang nakikibakang mamamayan ng daigdig. Nakabalangkas ito sa layunin ng pangangalap ng pinakamalawak na pandaigdigang suporta para sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino at pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan laban sa dominasyon ng mga dayuhan at lokal na naghaharing-uri na kinakatawan ngayon ng pasistang rehimeng Duterte.

Para sa mga Pilipino sa ibang bayan, inoorganisa at pinakikilos sila ng rebolusyonaryong kilusan upang itaguyod, depensahan at isulong ang kanilang mga karapatan at interes sa anumang bayan na kanilang kinalalagyan. Kabilang din sila sa milyun-milyong mamamayang Pilipino na patuloy na pinagsasamantalahan at inaapi na kailangang hikayating lumahok sa demokratikong rebolusyon hanggang sa kasunod na yugto na sosyalistang rebolusyon.

Sa kasalukuyan, isinusulong din ng NDFP ang ‘status of belligerency’ ng mga nakikibakang mamamayan upang hawanin ang daan para sa pakikipag-ugnayan ng itinatatag na demokratikong gubyernong bayan sa iba pang bayan anuman ang kanilang sistemang panlipunan sa ngalan ng kooperasyon at pagtutulungan. Sa ngalan din ng proletaryong internasyunalismo, nakikipag-ugnayan ang rebolusyonaryong kilusan sa ibang bayan na anti-imperyalista at mga sosyalista at iba pang pinagsasamantalahang mamamayan ng daigdig.

Layunin nitong suportahan ang pakikibaka ng ibang rebolusyonaryong partido at ibang inaapi at nakikibakang mamamayan.

Patuloy na itinataguyod at isinusulong ng Partido at buong rebolusyonaryong kilusan ang pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa ibang nakikibakang mamamayan ng daigdig sa parehong layunin ng pambansang pagpapalaya at kasarinlan, tunay na demokrasya at sosyalismo laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyunaryo.###

Kalatas July 2021 | Tugon ni Patnubay de Guia: Paano itinataguyod ng rebolusyonaryong kilusan ang tunay na nagsasariling patakarang panlabas?